Bangka ng ‘Pinas, matinding napinsala sa bagong pambobo ng China
ni Ryan Sison @Boses | Marso 24, 2024
Nagtamo ng “matinding” pinsala ang sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagdadala ng mga suplay para sa mga Filipino troops na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, matapos makatanggap ng mga pambobomba ng water cannon mula sa mga barko ng China Coast Guard (CCG), sa paglapit nito sa Ayungin Shoal.
Sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) alas-8:52 ng umaga ng Sabado, ang Unaizah Mayo 4 (UM4) ay “nagtamo ng matitinding pinsala... dahil sa patuloy na blasting o pambobomba ng mga water cannon” mula sa dalawang barko ng CCG.
Nitong Sabado, ang CCG ay patuloy na pinipigilan ang paglalayag ng UM4, isang civilian contracted ship, at kanilang mga escort vessel.
Ayon sa AFP, pasado alas-6 ng umaga, isang CCG vessel ang nagsagawa ng “dangerous maneuver of crossing the bow” sa UM4.
Makalipas ang tinatayang isang oras, nagsagawa naman ang CCG ng “reverse blocking maneuver” laban sa UM4 sa paglapit nito sa Ayungin Shoal, kung saan “maging sanhi ng muntik na banggaan” ng mga sasakyang pandagat. Ayon kay PCG spokesperson para sa West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, ilang minuto lang ang lumipas, “pinigilan at inikutan” ang ating Philippine Coast Guard (PCG) escort vessel na MRRV 4409 ng isang CCG vessel at 2 Chinese militia ships.
Pahayag ng AFP, bago mag-alas-8 ng umaga, “nagsimulang magpasabog ng water cannon” ang CCG sa UM4 na “sinadyang tinatarget at tinitira ang supply boat”. Ang mga sumunod na video mula sa PCG ay makikitang ang supply vessel ay nakatanggap na ng sustained water cannon blasts mula sa CCG.
Alas-8:38 ng umaga, 2 CCG vessels ang nagdirekta ng mga water cannon sa UM4, na kalaunan ay nagtamo ng matinding pinsala.
Sinabi naman ng AFP na ang BRP Cabra, isang PCG vessel, ay nagawang makapagmaniobra at nakarating sa UM4 para magbigay ng tulong dito.
Ang UM4 ay ang parehong sasakyang dagat na nasira matapos ma-water cannon ng CCG noong nakaraang buwan. Apat na tripulante ng Filipino Navy ang nasugatan sa insidente.
Ayaw talaga tantanan ng China Coast Guard ang tropa ng mga Pinoy sa WPS.
Mas lalo pang tumindi ang pambobomba nila ng mga water cannon at itinutok nang husto sa bangka natin na nagdulot ng grabeng pinsala at perhuwisyo sa mga kababayan.
Marahil, panahon na para magkaroon tayo ng mas malakas na puwersa sa tuwing may mga supply mission ang ating tropa sa Ayungin Shoal.
Maaari kasing mas malala pa ang gawin ng China sa susunod dahil sa ipinapakita nilang hindi makataong pagkilos at talagang labag sa isinasaad sa international law.
Kumilos na rin sana ang kinauukulan, at kung kinakailangang magpasaklolo tayo sa mga kaalyadong bansa ay gawin na natin ngayon para totoong maresolbahan na ang suliraning ito na panganib sa ating teritoryo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments