- BULGAR
Balak umatras sa pag-a-abroad dahil takot pagmalupitan ng amo, matutuloy pa rin
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 6, 2022

KATANUNGAN
May aplikasyon ako ngayon bilang domestic helper sa Dubai, pero naka-pending pa ang mga papeles ko dahil may ilang bayarin pa, gayundin, may mga papeles pa akong dapat ipasa. Nagdadalawang-isip ako kung tutuloy pa ako o hindi dahil ang sabi ng agency, Arabo ang magiging employer ko. Sa pagkakaalam ko, malupit na amo ang mga Arabo, kaya hindi pa man ako natutuloy, nauunahan na ako ng takot at pag-aalala.
Ito kasi ang unang pagkakataon na mangingibang-bansa ako. May asawa ako at tatlong anak na nasa elementary. At kaya ko naisipang makipagsapalaran sa ibang bansa ay upang mabigyan ng magandang edukasyon ang mga bata, lalo na kapag nasa college na sila. Hindi naman sa pagmamayabang, pero palaging kasama sa honor list ang mga anak ko, kaya sabi ng mister ko, sayang kung hindi namin sila mapag-aaral sa kolehiyo at wala kaming nakikitang ibang paraan kundi mag-abroad.
May aplikasyon din sa abroad ang mister ko, pero parang malabo pa siyang makaalis. Maestro, may maganda ba akong kapalaran sa ibang bansa at magiging safe ba ang kalagayan ko ru’n?
KASAGUTAN
May malinaw, malawak at magandang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit Chinese, Greek, Palestino, Israelita o kahit pa Arabo ang magiging employer mo sa abroad, sigurado na ang magaganap— magkakaroon ka ng mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.
Ito ay madali namang kinumpirma at pinatunayan ng hindi nababoy, nasira o naburara mong lagda. Sa halip, ang suwabe at maganda mong signature ang nagsasabing, sa pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat, tulad ng naipaliwanag na, kahit ano pa ang maging employer mo, tiyak na papalarin ka pa rin sa pinaplano mong pangingibang-bansa.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi ng psychologist na si Carl Jung, “What we meet in outer life ultimately reflects what lies within ourselves.” Ibig sabihin, kung sino ka, kung ano ang iyong pagkatao, sa bandang huli, ‘yun din ang makakasalamuha mo. Sa ibang salita, kung ano ka at kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong pagkatao, ‘yun din ang kapalaran na mangyayari sa iyo.
Para rin ‘yang kasabihan ng mga Tagalog na, “Ang nabubuhay sa patalim ay sa patalim din mamamatay.” At para naman sa positibong paglalahad, “Ang nabubuhay sa pag-ibig at pagiging mabuti sa kapwa, bibiyayaan din ng tadhana ng mabuti at puno ng pag-ibig karanasan.”
Kaya kapag alam mong mabait ka, may matuwid kang pamumuhay at wala ka namang ginagawang masama, hindi ka dapat matakot at mag-alala sa iyong kinabukasan dahil sa bandang huli, kung sino ka at kung ano ang nasa kalooban mo, ‘yun din ang iyong magiging tadhana.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maribelle, tiyak na sa taong ito ng 2022, sa buwan ng Oktubre at pinakamatagal na sa Nobyembre, gayundin sa edad mong 33 pataas, itatala sa iyong kapalaran ang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.