top of page
Search
  • BULGAR

Balak umalis sa among Intsik, mas suwerte sa pag-a-abroad

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 19, 2022



KATANUNGAN

  1. Halos limang taon na akong naninilbihan bilang katulong sa amo kong Chinese at nagkaroon sila ng iba pang mga tauhan. Nawalan sila ng mga alahas, tapos ako ang pinagbibintangan nilang kumuha dahil ako lang daw ang nakakapasok sa kanilang kuwarto. Pinababayaran ito sa akin at kung hindi ko raw ito mababayaran ng cash, ikakaltas ‘yun sa aking buwanang suweldo.

  2. Gusto ko nang umalis dito dahil ibinibintang nila sa akin ang isang bagay na hindi ko naman ginawa. Ang ikinakatakot ko, baka kapag umalis ako rito ay ipakulong nila ako dahil buo ang paniniwala nila na ako ang kumuha ng mga alahas.

  3. Maestro, ano ang dapat kong gawin? Natatakot akong makulong, pero kawawa naman ako kung kakaltasan pa ang napakaliit kong suweldo. Tama ba ang desisyon ko na umalis at maghanap ng ibang trabaho? Kung itutuloy ko ang aking plano, makakahanap ba ako ng amo na mas mabait sa mga amo ko ngayon?

KASAGUTAN

  1. Kung talagang hindi ikaw ang kumuha ng mga alahas nila, wala kang dapat katakutan dahil sa huli, siguradong lalabas din ang katotohanan. Dagdag pa rito, sabi nga ng mga nag-aaral ng batas, kapag may katwiran, ipaglaban mo.

  2. Huwag kang matakot makulong dahil wala namang tanda sa kaliwa at kanan mong palad na ikaw ay maghihimas ng rehas. Sa halip, kusa pang lumawak at lumaki ang sakop ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, habang tumatanda ka, imbes na mabansot ang iyong career, lalo pa itong lalago at uunlad sa aspetong propesyon o anuman ang trabaho mo ngayon.

  3. Ito ay madali namang pinatunayan ng tuloy-tuloy at hindi naputol na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayundin, ito ay tanda na kung aalis ka sa iyong amo, muli kang makakahanap ng mas magandang trabaho. At hindi lang basta trabaho, sa halip, ang nagkasanga na Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow c.) na tinatawag ding Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa bandang ibaba ng kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing kapag umalis ka na sa iyong amo, may isang napakagandang oportunidad sa pangingibang-bansa ang iyong mararanasan. Sa nasabing pag-a-abroad, tuloy-tuloy nang lalago ang iyong career, hanggang ikaw ay tuluyan na ring umunlad.


DAPAT GAWIN


Anuman ang mangyari, Criselda, imbes na maghanap ka ng ibang amo, mas makabubuting mag-apply ka na sa abroad ngayon. Ito ay dahil ang malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad ang tumiyak na sa huling quarter ng taong 2022, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page