Bakuna sa edad 5-11, ipaunawa nang mabuti sa mga magulang bago ituloy
@Editorial | February 05, 2022
Pormal nang nagpakita ng hindi pagsang-ayon ang mga magulang sa pagbabakuna sa mga edad 5 hanggang 11.
Dalawang magulang ang dumulog sa Quezon City Regional Trial Court para hadlangan ang direktiba ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagbibigay ng bakuna sa mga menor-de-edad.
Sa pamamagitan ng Public Attorney’s Office (PAO) sinamahan sa korte ang mga magulang para magsampa ng Extremely Urgent Petition for Certiorari, Prohibition, Declaratory Relief and Injunction laban kina DOH Secretary Francisco Duque III at undersecretary Maria Rosario Vergeire gayundin sa iba pang DOH Public Health Services Team kaugnay ng ipinalabas na Department Memorandum No. 2022-0041 nitong Enero 24.
Nakapaloob dito na sakaling hindi pumayag ang magulang na mabakunahan ang kanilang anak at nais naman ng bata na magpabakuna, mismong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang papasok para kumatawan o maging guardian at magbibigay ng consent upang tuluyang mapayagan at mabakunahan ang mga bata na nasa edad 5 hanggang 11.
Alam nating wala pang kakayahan ang mga bata na makapagdesisyon sa bagay na ito.
Walang ibang dapat na magbigay ng pahintulot, kundi ang kanilang magulang o guardian.
Dapat itong linawin ng kinauukulan.
Kung sakaling may hindi magandang epekto ang bakuna sa mga bata, sino ang mananagot?
Tulad ng PAO, tayo rin ay hindi kontra sa bakuna at sa pagsisikap na matapos ang pandemya, ang hiling lang natin ay maipaunawa nang maayos ang bakuna at matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang ating buhay, lalo na ng kabataan.



Comments