top of page

Baku-bakong daanan at muntik madapa, pahiwatig na maraming problema dahil sa katigasan ng ulo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 13, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 13, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Josephine ng Imus Cavite.


Dear Maestra,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Naglalakad ako sa kalsada na baku-bako ang daan at muntik na akong madapa. May sapa akong nadaanan, malinaw ang tubig sa sapa, kaya naisipan kong inumin ang tubig na galing du’n. Naginhawaan ako at nabawasan ang pagod ko sa paglalakad, tapos bigla na akong nagising.


Naghihintay,

Josephine


Sa iyo, Josephine,


Ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na ngayon, marami kang pinagdaraanang problema sa buhay na halos hindi mo na makayanan. ‘Yan ay dahil sa katigasan ng ulo mo. Sarili mo ang iyong sinusunod sa halip na pakinggan mo ang payo ng iba. Ito ang ibig sabihin kung bakit baku-bako ang daan na nilalakaran mo.


Gayunman, pinipilit mong ituwid ang iyong sarili. Gusto mo nang baguhin ang katigasan ng ulo mo at sundin ang payo ng iba na inaakala mong makabubuti sa iyo. Huwag kang mag-alala, ang ininom mong tubig sa sapa na sang-ayon sa panaginip mo ay malinaw at naginhawaan ka nang ininom mo ay nagpapahiwatig na malalagpasan mo ang mga pagsubok sa iyong buhay.


Gayundin, ikaw ay giginhawa at pagpapalain. Palagi mong isipin at alalahanin na ang lahat ng problema ay may kalutasan. Kung may lungkot, may ligaya. Kung may hirap, may ginhawa. Walang permanente sa mundo dahil lahat ay dadaan at lilipas. Huwag kang mawalan ng pag-asa, tumawag ka sa Diyos sa tuwi-tuwina at sasaiyo ang mga pagpapala at biyaya kung hindi ka makakalimot magdasal sa kabila ng matinding pagsubok sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page