Bako-bako at madilim na daan, pahiwatig na mailap sa suwerte
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 31, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorenzo ng Cavite.
Dear Maestra,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na naglalakad ako sa bako-bakong daan na halos hindi ko na makita ang daraanan ko dahil walang ilaw ang mga poste. Inabot ako ng gabi sa daan, tapos may natanaw akong liwanag, pero may mababang pader na kailangang akyatin. Umakyat ako sa pader at nakakita na ako ng liwanag.
Naghihintay,
Lorenzo
Sa iyo, Lorenzo,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa bako-bakong daan, madilim ang iyong nilalakaran dahil walang ilaw ang mga poste ay pahiwatig ng kamalasan sa buhay. Kumbaga, magiging mailap sa iyo ang suwerte.
Samantala, ang pader na tinutukoy mo ay nangangahulugan ng mga sagabal sa iyong plano. May mga hadlang sa binabalak mong gawin. Gayunman, ang sabi mo ay nakaakyat ka sa pader at nakakita na ng liwanag, ito ay nangangahulugan na malalagpasan mo ang mga hadlang o sagabal sa pinaplano mong gawin at mararating mo ang tagumpay.
Samakatuwid, malalagpasan mo ang mga pagsubok na iyong daranasin tungo sa katuparan ng iyong mga pangarap.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments