top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Bagyong Auring, pumasok na sa ‘Pinas

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 17, 2021
2 min read

ni Lolet Abania | February 17, 2021





Nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang unang tropical cyclone o bagyong tatama sa bansa ngayong 2021, ayon sa ulat ng PAGASA.


Sa alas-11:00 ng umagang advisory ng PAGASA, ang tropical depression ay namataan sa timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur na pumasok sa bansa bandang alas-8:00 ng umaga at pinangalanang "Auring."


Sa forecast ng ahensiya, si Auring ay kumikilos pakanluran o kanluran-timog kanluran sa susunod na 12-oras. Susunod na kikilos patungo sa kanluran-hilagang kanlurang bahagi habang tinatayang magla-landfall sa buong Caraga sa Sabado nang gabi o Linggo nang umaga bilang isang tropical storm.


Sa ngayon, hindi pa nakakaapekto si Auring sa bansa subalit para sa mga lokalidad gaya ng Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, Cotabato at Lanao del Sur, lalo na sa mga lugar na napakataas ng tiyansa ng panganib, pinapayuhan na maging mapagmatyag at mag-ingat dahil posibleng makaranas ng malalakas na pagbuhos ng ulan at bugso ng hangin.


Ang tinatayang sama ng panahon ay dahil kay Auring na inaasahang darating ngayong Sabado hanggang sa Lunes.


Gayunman, wala pang iniisyung Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) number 1 sa alinmang lokalidad, subalit maaaring itaas ito sa ilang lalawigan sa Caraga at Davao Region sa Biyernes sanhi ng malalakas na bugso ng hangin hanggang sa tinatawag na near-gale conditions dahil kay Auring.


Ayon pa sa PAGASA, maaaring magresulta rin ito ng pagpapatigil ng maritime activities sa mga susunod na araw.


Samantala, alas-10:00 ng umaga ngayong Miyerkules, base sa datos ng PAGASA, namataan ang sentro ng Tropical Depression Auring sa tinatayang 900 km silangan timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Kumikilos ito patungong kanluran timog-kanluran ng 20 kph, na may maximum sustained winds na 45 kph, malapit sa sentro at bugso ng hanging aabot ng 55 kph.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page