ni Mharose Almirañez | October 27, 2022
Napakahalaga ng marketing plan sa pagsisimula ng kahit ano’ng negosyo. Malaki man o maliit ‘yan, dapat lamang na mayroon kang nakalatag na strategy and goal upang mapanatiling malago ang iyong pangkabuhayan.
Hindi importante kung nag-aral ka ng business management o kung gaano kalaking salapi ang kaya mong i-invest, sapagkat nasa diskarte ang totoong puhunan. Kailangan mo ring maging “active” o “online”, lalo na kung social media ang gagamitin mong platform.
Sa ngayon ay nag-convert na rin to e-commerce ang entertainment app na TikTok. Anila, “85% of TikTok users plan to shop with online retailers”. Kasing-bilis nga naman ng kidlat ang pagdami ng online shoppers sa kasagsagan ng pandemya, bagay na nakakamangha talaga!
Ngunit bago mo tuluyang pasukin ang online selling, narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan:
1. PAG-ISIPAN KUNG REBRANDING O RESELLING ANG GAGAWIN. Usong-uso ang reselling o ‘yung maghu-wholesale ka ng product, tapos ibebenta mo nang patingi-tingi. May iba namang gustong mag-establish ng sariling produkto sa pamamagitan ng pagre-rebrand. Kumbaga, bibilhin nila ‘yung product sa supplier at ipapangalan sa sarili nilang business. Sa pagre-rebrand ay maaari ka na ring maging CEO sa pamamagitan ng maliit na kapital.
2. I-CUSTOMIZE ANG PROFILE NG IYONG SHOP. Madalas tumambay ang mga tao sa Facebook, kaya dapat mong pagandahin ang iyong FB page. Simulan mo sa pag-e-edit ng cover photo, profile picture, at general information ng iyong produkto. Maglagay ka rin ng navigation map upang madali kang ma-locate kung sakaling gustuhin nilang mag-pick up ng item. Siguraduhin mong catchy and trendy ang mga post sa social media upang ma-hook ang mga mamimili. First impression lasts, ‘ika nga.
3. MAGING VISIBLE SA LAHAT NG SOCIAL MEDIA. Siyempre, hindi ka lamang dapat mag-focus sa Facebook dahil nar’yan din ang Instagram, TikTok, Shopee, Lazada, Carousell, Ebay at iba pang puwedeng pagbentahan ng item. Mag-post ka lang nang mag-post upang mas lumawak ang iyong market. Maaari ka ring gumawa ng sarili mong website at blog. Kung keri ng powers mo ang vlogging ay napakagandang strategy din niyan.
4. GUMAWA NG GIMIK SA BAWAT POST. Kung tutuusin ay pare-pareho lang naman ang mga produkto, nagkakaiba lang kung paano mo ipino-promote sa market. Paano ka ba mag-caption? Mainam na sabayan mo kung ano ang uso at huwag kang magpapahuli sa latest. Daanin mo rin sa magagandang shot ang ina-upload mong pictures. Tandaan, captions at pictures ang magdadala sa ‘yong produkto.
5. I-BOOST ANG IYONG POST. Kapag mas malaking halaga ang ilalabas mo para sa pag-boost ay mas maraming audience ang puwedeng maabot ng iyong post. Ganyan ang kalakaran sa Tiktok, FB, IG atbp. Siyempre, kailangan din nilang kumita mula sa ‘yo, kaya ‘wag ka nang umasa sa organic post. Makakatulong din ang paglalagay ng common hashtags at popular keywords sa iyong post upang i-up ka nang i-up ng algorithm. Pag-aralan mo rin ang search engine optimization (SEO).
6. SUMALI SA FACEBOOK GROUPS. Epektibo ang ganitong strategy para mas madaling maabot ang iyong target market. Halimbawa, cellphone accessories ang iyong ibinebenta, maaari kang sumali sa FB groups na puro abubot pang-cellphone ang topic. Puwede mo ring i-share ru’n ang iyong post and FB live upang makahatak ng views.
7. I-READY ANG IYONG E-WALLET. Since online transaction ang iyong negosyo ay i-expect mo na rin ang cashless payment. Puwede ka ring mag-open ng e-wallet tulad ng GCash, Maya at PayPal na mas madaling na-a-access. Less hassle ito kaysa pumunta ka pa sa money remittance center para lamang i-claim ang bayad ng buyer. Make sure na separate ang iyong personal account at business account upang madali mong ma-monitor ang paglago ng iyong kapital.
8. MAG-INVEST SA INTERNET. Kung weak ang iyong internet ay kakaunti lamang ang mari-reach na views ng iyong live selling. Posible ring mag-alisan ang iyong viewers kapag paputol-putol ka sa live. Kaya unahin mong mag-invest sa mabilis na internet. Kung aalis ka naman ng bahay, dapat mayroon ka ring mobile data para masagot mo pa rin ang inquiries ng mga customer. Huwag mo silang paghihintayin sa reply kung ayaw mong mapunta sila sa ibang seller at du’n makabili.
9. PLANUHIN KUNG PAANO IDE-DELIVER ANG ITEM. Kung may motor ka naman at may kaluwagan ang iyong time, ikaw na mismo ang mag-deliver ng item sa halip mag-book ng Grab, Lalamove o Angkas Padala upang makamenos. Ngunit kung hindi mo keri, rito ka na maghahanap ng rider na puwedeng mag-deliver. Puwede ring mag-meet kayo halfway ng buyer.
10. HUMINGI NG REVIEWS O FEEDBACK SA CUSTOMER. Malaking tulong ang good reviews para makahikayat ng mas maraming customer. Dito kasi makikita ang kalidad ng mga produkto, gayundin kung ang shop ay legit.
Bukod sa mga nabanggit, dapat mo ring pag-isipan ang iyong magiging tag line. Kadalasan kasi ay ‘yan ang pang-engganyo ng buyers. Sipag at tiyaga lang, beshie. Okie?
Comments