Bagong Pangulo, bagong pag-asa
@Editorial | June 30, 2022
Ngayong araw ang itinakdang inagurasyon ng ika-17 Pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Bago ito, tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema ang dalawang petisyon na layong madiskuwalipika sa pag-upo bilang pangulo si Marcos.
Sa botong 13-0 ng mga mahistrado, pinayagan si Marcos na maupo bilang lehitimong presidente ng Pilipinas na nagkukumpirma rin sa naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang mga disqualification petition laban sa kanya.
Sa desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diin nito na kuwalipikadong kumandidato at mahalal sa public office si Marcos at ang pagiging valid at naayon sa batas ng kanyang certificate of candidacy (COC) na napagdesisyunan na rin ng Comelec.
Bagama’t maaari pang magsampa ng Motion for Reconsideration ang mga petitioner bilang karapatan ng sinumang dumulog sa hukuman, sinasabing malabo nang magbago ang isip ng mga mahistrado na unanimous ang boto.
At ngayong araw, kasabay ng pormal na panunumpa ni P-BBM, ito rin ang simula ng mga bagong plano para sa bayan na bagong pag-asa naman para sa sambayanan.
Lahat ay umaasa na tuloy ang laban sa pandemya, kahirapan, karahasan at korupsiyon.
Tulad ng palaging sinasabi sa tuwing may nauupong bagong lider ng bansa, ito’y hindi niya kakayaning mag-isa, kailangan ng tulong at pakikiisa ng mamamayan.
Subukan muna nating magtiwala huwag puro duda.



Comments