Search
  • BULGAR

Bago maghirap at masira ang buhay...Tips para 'di malulong sa sugal

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 24, 2020




MARAMI pa rin ang pasaway ngayong quarantine period. Kung saan-saang liblib na sulok dito sa Luzon ay may mga ilegal na pasugalan ang lumalaganap maging ang sabong. Paalala lang ho, may krisis pa rin ngayon.

Alam natin na para sa marami, ang pagsusugal ay magandang uri ng libangan maging ito man ay slot machine, blackjack, mahjong, poker o pagtaya sa lotto.

Gayunman, malaking problema ito at nakalululong. Tulad ng droga at alak, ang pagsusugal ay tuluy-tuloy na pagkalulong at maaaring humantong sa malaking problema sa pamilya, trabaho, mga kaibigan at pinansiyal na kalagayan. Para hindi ka malulong sa sugal heto ang dapat mong gawin:

1. MAGDALA NG PERA NA KAYANG IPANSUGAL. Huwag magdadala ng ATM card at huwag nang isugal ang napanalunan na. Makuntento na rito. Huwag ding gagamit ng credit card para magpatuloy sa paglalaro at huwag mangungutang kahit kanino para lang sa hangad na makabawi.

2. BIGYAN NG LIMITASYON ANG ORAS SA PAGSUSUGAL, MANATILI LANG D’YAN. Pansinin ang loob ng casino, walang bintana at walang wall clock. Ang strategy nilang ito ay para makapagpokus ang mga kostumer sa pagsusugal kaysa mapansin ang oras. Huwag ding iinom ng alak dahil hihina ang iyong kontrol at mas madali para sa ‘yo na ipagpatuloy ang mag-ubos ng oras at pera.

3. HUWAG IPAGPALIT ANG PAGSUSUGAL SA MAHAHALAGANG RESPONSIBILIDAD SA BUHAY. Kung ganyan ang nangyayari, hindi ka na magiging aktibo sa pagpasok sa trabaho, eskuwelahan o simbahan, maging ang pagtalikod sa iba pang aktibidad ng pamilya. Tiyakin na mayroon ka pa ring iba pang positibong gawain sa komunidad at recreational activities na lalahukan. Ang pagsusugal ay 'di lang dapat na malaking bahagi ng iyong libangan.

4. ‘WAG GAGAMITIN ANG PAGSUSUGAL PARA MAALIS ANG PAGKABAGOT, LUNGKOT O GALIT. Sa ibang tao, ang pagsusugal ay bagay na pagtakas sa ganitong emosyon. Kung minsan, ang pagtakas ay pansamantalang solusyon na humahantong sa mas malaking problema at maging uri ng pagkalulong.

5. PANSININ ANG MGA WARNING SIGN. Halimbawa, lulong ka na sa iyong hobby at kapag lagi mo nang iniisip ang pagsusugal. Nag-iisip ka kung paano makapandaraya at mas maraming oras na gustong iukol dito. Dagdag pa na habang nasa sugalan ka ay excited ka pa. Kung nagsimula ka sa barya-barya lang ang taya tapos ay malakihan na, tiyak na hahantong na sa pinansiyal at sikolohikal na problema.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.