@Editorial | November 24, 2023
Ilang linggo na lang ay Pasko na. Kani-kanyang isip na ang karamihan kung ano ang ihahain sa hapag-kainan.
Pero ngayon pa lang ay nagbabala na ang Department of Trade and Industry (DTI) na nagtaasan na umano ang presyo ng 152 produkto na pang-Noche Buena.
Ang ham, na sikat na handa tuwing Pasko ay tumaas ng P25, habang ang spaghetti sauce ay P10. Tumaas naman ng P49 ang presyo ng cheese, P33 ang keso de bola, P30 ang mayonnaise at P13 ang macaroni salad.
Sa kabila nito, sinabi ng ahensya na nasa 21 na produkto naman ang nagbaba ng presyo habang nasa 35 na produkto ang nag-retain ng presyo.
Kaya ngayon pa lamang ay maging wais na sa pagbili ng pang-Noche Buena.
Hindi naman kailangang magarbo kahit simple lang, ang mahalaga ay kasama nating magdiwang ang ating pamilya at mga kamag-anak.
Huwag na ring ipilit kung hindi kaya ng ating bulsa ang mga produktong gusto natin, mas importanteng alamin din natin kung ano lang ang kakasya sa ating budget upang may makain pa kinabukasan.
Sa panahon ngayon na halos nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin, matuto na tayong magtipid at huwag ubos-biyaya na pagdating sa dulo ay nakatunganga.
Comments