Backer, kailangan ng binatang atat makasampa sa barko
- BULGAR
- Jul 5, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 5, 2022
Dear Maestro,
Isinilang ako noong March 29, 1994. Nais kong malaman ang kahulugan ng birthday ko at kung ako ba ay magtatagumpay sa career? Ako ay graduate ng Marine Engineering, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakasampa sa barko. May pag-asa pa ba akong makasampa at sa paanong paraan?
Masipag naman akong mag-apply, pero hindi ako natatawagan. Bakit parang inaalat ang kapalaran ko, may dapat ba akong baguhin sa aking sarili o may dapat akong isuot na kulay kapag nag-a-apply ako?
Umaasa,
Caleb ng Pag-asa, Pitogo, Quezon Province
Dear Caleb.
Sayang dahil hindi mo inilakip sa iyong liham ang photocopy ng kaliwa at kanan mong palad. Sa guhit kasi ng mga palad o Palmistry, mas malinaw na makikita at mababasa kung ang isang indibidwal ay makapangingibang-bansa, gayundin kung magiging maayos at produktibo rin ang nasabing pag-a-abroad. Gayunman, ang aanalisahin muna natin ngayon ay ang iyong kapalaran base sa iyong birthday.
Alam mo, ang mga taong may birth date na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2), tulad mo ay napabibilang sa tinatawag na “weak number”. Ibig sabihin, posibleng nagtataglay ka rin ng “weak personality”, kaya sa sarili mong diskarte at pagsisikap, malabo kang makatagpo ng magandang career dahil weak o mahina ang iyong pagkatao.
Kaya para suwertehin ang isang may weak number, hindi lang sa career kundi sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay, ang kailangan niya ay kasangga o alalay at puwede rin nating sabihing padrino. Ibig sabihin, “backer” ang kailangan mo para mas madali kang matanggap sa mga ina-apply-an mong trabaho, sa local man o international.
Kaya next time, bago ka mag-apply, maghanap ka muna ng tao na tutulong sa iyo na nagtataglay ng strong number. Sila ang mga indibidwal na may mga birth date na 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17 at 26, higit lalo kung sila ay isinilang sa mga zodiac sign na Sagittarius, Leo o kapwa mo Aries.
Ayon sa hugis ng iyong mukha na medyo bilugan at porma ng iyong katawan na medyo mababa, isang lalaking balbas sarado o may bigote ang makakatulong sa iyo. Dagdag pa rito, ang lalaking ‘yun ay may maitim at matigas na hilatsa ng buhok. Kaya kapag nakakita ka ng ganyang kaibigan o kakilala, siya ang lapitan mo dahil tiyak na siya ang tutulong sa iyo upang mas madali kang matanggap sa mga barko o agency na ina-apply-an mo. Kasabay nito, madali mo na ring masusungkit ang iyong mga ambisyon at pangarap sa buhay.
Kapag nakakita ka na ng backer o susundot sa ginagawa mong pag-a-apply, palagi kang magsuot ng mga kulay na tugma sa kapalaran mo. Ito ay ang mga kulay na pula para sa zodiac sign mong Aries, kulay na berde at itim para sa birth date mong 29 at dilaw naman para sa destiny number mong 1, (dahil 3+29+1994=2026/ 20+26=46/ 4+61=10/ 1+0=1).
Sa sandaling nagawa mo ang mga simpleng rekomendasyong nabanggit, tiyak ang magaganap — sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Hulyo o Agosto at sa edad mong 29, makakasampa ka na sa barko, makapag-a-abroad ka hanggang sa tuloy-tuloy nang umunlad ang career mo at maging ganap na marino.




Comments