top of page
Search
  • BULGAR

Babala na magkakaroon ng sunud-sunod at panandaliang relasyon sa Wood Pig

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | November 5, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, ipagpatuloy natin ang diskusyon hinggil sa magiging kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa susunod na taon o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Pig o Baboy ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Pig o Bakal na Baboy - silang mga isinilang noong 1971

  • Water Pig o Tubig na Baboy - silang mga isinilang noong 1982

  • Wood Pig o Kahoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1935 at 1995

  • Fire Pig o Apoy na Baboy - silang mga isinilang noong 1947 at 2007

  • Earth Pig o Lupa na Baboy - silang mga isinilang noong 1959 at 2019

Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Metal Pig, gayundin ang Water Pig, at sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang magiging kapalaran ng Wood Pig o Kahoy na Baboy ngayong 2020 hanggang 2021.

Kung ikaw ay isinilang noong 1935 at 1995, ikaw ay mapabibilang sa Wood Pig o Kahoy na Baboy.


Sinasabing bukod sa pagiging palakaibigan, sobrang determinasyon mo talaga ang makatulong sa mahihirap at mga dapat tulungan, kumbaga, ikaw ay likas na mapagkawang-gawa, at dahil sa kabutihang ito na nananahan sa kaibuturan ng iyong kalooban, palagi kang pagpapalain ng nasa itaas. Katulad ngayong panahon ng pandemya, kung ang iba ay masisimot dahil walang mga hanapbuhay, ikaw naman ay palaging bibigyan ng kakaibang suwerte at magagandang kapalaran ng langit upang lagi kang may maitulong at may maibigay sa iyong kapwa.


Gayunman, dapat pa ring isaisip ng isang Wood Pig na hindi naman dapat palaging tumutulong dahil ang kalimitang mangyari ay hindi niya napapansin na inaabuso na ng iba ang kanyang kabaitan at pagtulong. Sinasabing kung matututunan ng Wood Pig kung sino ang dapat tulungan at dapat tanggihan, lalong uunlad ang kanyang kabuhayan hanggang sa siya ay tuluyang yumaman.


Sa career, negosyo at aspetong pagkakaperahan, sinasabing ngayong 2020 hanggang 2021, malaki ang tsansa ng Kahoy na Baboy na makapagbenta ng malalaking halaga kung saan dapat sa taong ito ay ‘wag siyang tumigil ng pag-aalok dahil siguradong may malaki siyang makukumisyon dito.


Dagdag pa rito, ang lahat ng gawin o negosyong nagbebenta ay bagay na bagay din sa Kahoy na Baboy, higit lalo kung personal o direkta niyang aalukin ang kanyang mga kaibigan at kakilala. Sa ganitong business– pag-aalok, pagde-dealer, pagte-trading, tunay ngang mas madaling uunlad hanggang sa tuluyang yumaman ang isang Wood Pig.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, mahihirapang mamili ang Wood Pig sa mga lalaki o babaeng malalapit sa kanya dahil wala siyang tulak na itapon o iitsapuwera sa nasabing mga kaibigang lalaki o babae na nakapaligid sa kanya. At dahil hindi marunong tumanggi, mas malamang na maraming makakarelasyon ang Wood Pig ngayong 2020 hanggang 2021, hanggang sa magkandalitu-lito na siya kung sino ba talaga ang kanyang pipiliin upang mahalin habambuhay.


May babala rin na matapos na umibig at makipagrelasyon sa una, may darating na namang ikalawa, ikatlo at marami pang masasarap pero panandaliang relasyon na mararansan ang Wood Pig ngayong 2020 hanggang 2021.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page