Babala na mabibigo sa mga plano at kalungkutan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 23, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Crisanto ng Pampanga.
Dear Maestra,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na naglalakad ako sa madilim na daan at halos wala akong makita? May narinig akong huni ng ibon at nang tingnan ko, kuwago pala ‘yun. Natakot ako at bigla akong nagising na tuyong-tuyo ang lalamunan at uhaw na uhaw.
Naghihintay,
Crisanto
Sa iyo, Crisanto,
Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na naglalakad ka sa madilim na daan at halos wala kang makita dahil nangangahulugan ito ng disaster sa iyong mga plano, kumbaga, pagkabigo sa mga pangarap mo sa buhay.
Samantala, ang kuwago sa panaginip mo ay halos pareho rin ang ipinahihiwatig — pagkabigo at kahirapan sa buhay. Makakaranas ka ng paghihirap, kawalan ng pag-asa at kalungkutan sa darating na mga araw.
Dahil dito, lakasan mo ang iyong loob at buong tapang na harapin ang mga pagsubok sa buhay. Lilipas din ‘yan at makakamit mo ang tagumpay, basta’t ituloy mo lang ang pagsisikap at paggawa ng mabuti sa kapwa dahil may gantimpalang nakalaan sa sinumang nagsusumikap at gumagawa ng mabuti sa kapwa. Huwag kang susuko.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments