top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Azkals, tuloy ang kampanya sa China para sa FIFA World Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 14, 2021
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 14, 2021




Ipagpapatuloy ng Philippine Azkals sa Tsina ang kanilang kampanya na mapabilang sa 2022 FIFA World Cup Qatar. Inutos ng Asian Football Confederation (AFC) na lahat ng tatlong nalalabing laro ng Azkals sa Grupo A ay gaganapin sa nasabing bansa mula Hunyo 3 hanggang 15.


Unang haharapin ng Pilipinas ang Guam sa Hunyo 3 at susundan ng mahalagang tapatan sa Tsina sa Hunyo 7. Ang Maldives ang huling makakalaro ng mga Pinoy sa Hunyo 15.


Nasa ikatlong pwesto ang Azkals na may pitong puntos buhat sa dalawang panalo, isang tabla at dalawang talo subalit may pagkakataon pa rin na makapasok sa susunod na round lalo na kung walisin ang tatlong laban. Nangunguna ang Syria na may malinis na 15 puntos mula sa limang panalo habang pangalawa ang Tsina na may pitong puntos din gaya ng Pilipinas subalit apat lang ang nalaro.


Tanging ang mga kampeon sa walong grupo at ang apat o limang pinakamataas sa mga pumangalawa ang tutuloy sa lakbay patungong World Cup. Ang mga hindi papalarin ay ipagpapatuloy ang kanilang paglaro upang makapasok sa mga nalalabing puwesto sa 2023 AFC Asian Cup na gaganapin sa Tsina.


Pasok ang mga petsa sa FIFA Window ngayong Hunyo kaya maaaring makabuo ang Philippine Football Federation (PFF) ng malakas na koponan. Tuwing may FIFA Window ay obligado ang mga club na ipahiram sa pambansang koponan ang kanilang mga manlalaro.


Mahigit isang taon na hindi nakalalaro ang Azkals mula pa noong matalo sila sa Syria, 0-1, noong Nobyembre 19, 2019 sa Dubai. Bago noon, nakasungkit sila ng panalo sa Maldives, 2-1, sa Male noong Nobyembre 14.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page