top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ayuda sa mga nawalan ng trabaho, ‘wag sanang pahirapan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 27, 2022
1 min read

@Editorial | January 27, 2022



Tulad ng inaasahan, dumami pa ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng Alert Level 3 at 4, kaugnay pa rin ng COVID-19.


Kasunod nito ang pagtitiyak naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mabibigyan ng ayuda ang mga apektadong manggagawa.


Ayon sa DOLE, sila ay makatatanggap ng P5,000 one-time cash assistance sa ilalim ng COVID Adjustment Measures Program (CAMP).


Gayunman, may mga nagsasabing nahihirapan silang mag-apply online para sa nasabing ayuda.


Hinaing ng ilang empleyado, wala silang maayos na cellphone na puwedeng makapag-internet.


Kaya ang iba sa kanila ay nagtungo na umano sa opisina ng DOLE para magpatulong.


Ayon naman sa ahensiya, ginawang online ang proseso para makaiwas sa pagkalat ng COVID-19 pero puwede naman anilang tulungan ang mga hirap mag-apply online.


Nauna nang hinikayat ng DOLE ang mga employer na sila na ang mag-apply para sa lahat ng empleyado dahil may mga kakailanganin ding dokumento, tulad ng temporary o permanent closure report at payroll o listahan ng mga sinasahurang manggagawa.


Puwede rin naman ang individual application, pero hihingan pa rin ang manggagawa ng notice of termination o layoff o notaryadong affidavit na nagpapaliwanag kung paanong natigil sa trabaho, bagay na kailangang gastusan.


Bilang tugon naman ng isang samahan, marami umanong manggagawa ang may problema sa mga employer, na posibleng dahilan para hindi i-apply sa ayuda.


Masasabing medyo matrabaho at magastos ang proseso. Posible ngang may mga manggagawa ang hindi makatatanggap ng ayuda.


Kaya ang pakiusap sa kinauukulan, sana ay magawan ng mas simpleng paraan ang pagbibigay ng ayuda.


Sa panahon ngayon, ang anumang halaga ay napakalaking tulong, lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page