Ayuda para sa mga tsuper, ideretso pambili ng petrolyo
@Editorial | March 24, 2022
Naipamahagi na ang nasa P703 milyong halaga ng fuel subsidies sa mga benepisyaryo.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa kabuuang 108,164 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P6,500 kada unit mula sa Pantawid Pasada Program.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga drivers ng public utility vehicles ay mabibigyan ng financial aid bilang tulong sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Gayunman, ilang jeepney drivers at operators ang nagreklamo dahil wala naman umanong laman ang kanilang Pantawid Pasada card. Sa naturang card direktang ipinapasok ng gobyerno ang fuel subsidy.
Samantala, inisyuhan naman ng LTFRB ng show cause order ang ilang jeepney operators para magpaliwanag matapos umanong i-withdraw ang kanilang natanggap na fuel subsidy.
Napag-alaman na ilang operators ang nag-withdraw ng pera na nakalaan dapat kapalit ng fuel mula sa accredited gas stations.
Ang fuel subsidies na credited sa Landbank ATM cards ng mga jeepney operators ay hindi dapat na i-withdraw o kuning cash dahil ang financial aid na ito ay dapat na direktang gamitin lamang sa pagbili ng produktong petrolyo.
Kung hindi susundin ang panuntunan, talagang magkakaaberya. Kapag sinabing para sa petrolyo ang ayuda, tiyaking deretso ito sa gas station at sa mga tsuper.
Sana ay maging mas maayos ang sistema nang hindi maligaw ang ayuda.



Comments