Ayuda ipamimigay na, mga epal na pulitiko, out!
@Editorial | April 10, 2022
Inaasahang masisimulan na ang pamamahagi ng P500 fuel subsidy para sa sambahayan bago ang May 9 election.
Ang pondo para sa naturang fuel subsidy para sa low-income household ay magmumula sa unused cash balances. Sa oras na mailabas ang naturang pondo, ang Department of Social Welfare and Development ang ahensiya na pangunahing responsable para sa distribusyon ng naturang ayuda.
Ang household fuel subsidy ay upang maibsan ang impact ng kasalukuyang fuel price crisis para sa mahihirap na kababayan.
Tulad ng paalala kapag namimigay ng ayuda sa transport groups, iwasan din ang pag-epal ng mga pulitiko.
Ang anumang ayuda mula sa gobyerno na pinapayagan sa Comelec ban, ay hindi dapat mabahiran ng pulitika.
Ito ay galing sa kaban ng bayan at hindi sa bulsa ng sinumang kandidato. Inilaan ito para kahit paano ay makatulong sa gastusin at hindi para sa boto.
Kailangan nang mabura sa isipan ng tao ang paniwala na kung sino ang nag-abot ng pera ay siya na lang ang iboboto.
Gasgas nang linya pero sana'y tumatalab pa, huwag nating ipagbili ang nag-iisang boto. Ito ang sumasalamin sa ating pagkatao at ito rin ang nagtatakda sa ating kinabukasan.
Huwag hayaan na diktahan tayo ng pera, sa halip, hayaan natin ang ating konsensiya na pumili ng karapat-dapat na kandidato alang-alang sa ating mga anak.



Comments