Ayaw paalisin ng fiancé, dapat makinig dahil malas sa abroad
- BULGAR
- Jul 12, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 12, 2022

KATANUNGAN
Ako ay dating domestic helper sa Kuwait na hindi pinalad, kaya hindi pa man tapos ang kontrata ay umuwi na ako dahil sa kalupitan ng aking amo. Sa ngayon ay nag-a-apply ulit ako dahil ito lang ang alam kong paraan para maiahon ko sa kahirapan ang aming pamilya.
Pero habang nag-a-apply ako, may nakilala akong lalaki. Naging magkaibigan kami hanggang naging boyfriend ko siya at ngayon ay engaged na kami. Sinabi niya na ‘wag na akong mag-abroad at siya na lang daw ang aalis dahil natatakot siyang muli akong mapahamak at pagbalik niya raw dito ay magpapakasal na kami.
Ang problema, tinawagan na ako ng isa sa mga ina-apply-an ko, kaya nagbabalak akong tumuloy dahil sayang naman ang opportunity. Pero nang magpaalam ako sa boyfriend ko, hindi niya ako pinayagan at parang nagalit pa siya sa akin. Sinabi niya rin na kung mag-a-abroad ulit ako ay magkalimutan na lang kami dahil matigas ang ulo ko at ayaw kong sumunod sa kanya.
Nagtatalo ngayon ang isip ko kung ano ang pipiliin ko, ang muling mag-abroad o sumunod na lang sa boyfriend ko? Saan ako higit na susuwertehin, sa piling ng lalaking ito o sa pangingibang-bansa?
KASAGUTAN
Sabi mo, Bhea, engaged na kayo ng boyfriend mo, kaya sa totoo lang, sa legal at technical term, hindi na boyfriend ang dapat mong itawag sa kanya kundi fiancé. Ibig sabihin, ang fiancé ay ang isang babae o lalaki na nakipagkasundo nang magpakasal sa kanyang kasintahan. Kumbaga sa pagtatali ng matrimonyo ng kasal, nakabuhol na kayo sa inyong relasyon, hindi pa lang hinihigpitan ng pari o jugde dahil mahihigpitan lamang ang pagtatali sa inyong pagmamahalan sa harap ng altar o civil wedding. Sa madaling salita, dahil hindi mo na siya boyfriend, bagkus ay fiancé mo na siya, sentido komon na dapat lang na sumunod ka na sa kanya.
Sabagay, ‘yun din naman ang pinapagawa ng hindi naman maganda o maayos na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Masyado itong magulo, may bilog at may mga Guhit pa ng Hadlang (Drawing A. at B. d-d arrow b.). Ibig sabihin, kahit makapag-abroad ka sa ikalawang pagkakataon, malabo ka ring umunlad at magkaroon ng magandang kapalaran sa ibayong-dagat.
Ang pag-aanalisang hindi ka suwerte sa abroad ay madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Pisces, sa halip, mas susuwertehin ka sa pag-aasawa, higit lalo kung ang zodiac sign ng magiging mister mo ay Virgo, Taurus o Capricorn.
MGA DAPAT GAWIN
Minsan, nakikilala o nakakatagpo natin ang isang nilalang na mag-aahon sa atin sa kahirapan at magbibigay ng suwerte sa isang hindi sinasadyang pagkakataon. Minsan ay nare-recognize natin siya dahil malakas ang ating intuition o pandama, ngunit kadalasan, nasa harapan na pala natin ang taong magbibigay sa atin ng panghabambuhay na suwerte, pero hindi sinasadyang naitataboy o natatanggihan natin siya.
Halos ganundin ang nakatakda mong kapalaran, Bhea, kung saan, nasa harapan mo na ngayon ang lalaking magbibigay sa iyo ng suwerte at magandang kapalaran, kaya wala kang dapat gawin kundi tanggapin at mahalin mo siya at sumunod ka lang sa kanya.
Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap, ayon sa iyong mga datos, sa sandaling ikinasal na kayo ng kasakuluyan mong fiancé (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) na nasa ibayong-dagat, dahil hindi mo naman siya pinili, bagkus ay dumating siya sa sandali na hindi mo naman inaasahan, walang duda na ang inyong pagsasama ay aani ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments