Awat muna sa pulitika, magpokus sa pagtugon sa pandemya!
- BULGAR
- Mar 27, 2021
- 1 min read
@Editorial | March 27, 2021
Kasabay ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa, nagsisikap ang gobyerno sa pagbibigay-solusyon, gayundin ang mamamayan sa pag-iingat ‘wag lamang mapabilang sa mas tumataas pang kaso nito.
Sa kabila ng sakripsiyo at ‘effort’ ng marami sa atin, tila hanggang ngayon ay wala pang balak lumubay ang nakamamatay na virus, kung saan patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso nito sa bawat araw na lumilipas.
Kaugnay nito, inirekomenda ng Octa Research ang pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region kapag nabigong kontrolin ng gobyerno ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Anila, kapag napababa ang bilang ay itutuloy pa rin ang ‘bubble’ pero kung mabigo ay kailangan na ang mas mahigpit na quarantine.
Kung sakaling muling ibalik sa MECQ ang NCR, paano ang kabuhayan ng mamamayan? Ang transportasyon ba na pangunahing pangangailangan ng mga trabahador ay magagawan ng paraan?
Sa panahon ngayon, hindi pulitiko na magaling lang mangako, kundi mga lider na tunay na may malasakit sa bayan at sa mamamayan ang kailangan.
Habang tumatagal ay pahirap nang pahirap ang sitwasyon, hindi lamang basta panenermon sa mga pasaway ang kailangan, kundi estratehiya.
Awat na muna sa pamumulitika at magpokus paggawa ng solusyon ng matapos na ang tunay na problema ng bansa.



Comments