top of page

Ateneo unang kampeon ng UAAP Esports NBA 2K

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: One Sports & Ateneo De Manila University / FB

 Kinoronahan ang Ateneo de Manila University bilang pinakaunang kampeon ng UAAP Esports NBA 2K sa pagbukas ng bagong kabanata sa mayaman na kasaysayan ng nangungunang liga ng mga paaralan. Hawak ang bentahe na maglaro sa sariling tahanan, dinaig ni Paolo Jesus Medina ng Blue Eagles si Kegan Audric Yap ng De La Salle University Viridis Arcus sa Game 3 ng seryeng best-of-three, 74-63, Huwebes ng gabi. 


Sa Game One, humabol si Medina  mula sa 30-50 upang maagaw ang tagumpay, 77-75.  Bumawi si Yap at kinuha ang Game 2, 93-89. 


Winalis ni Medina si Daemiel Erzbet Argame ng University of Santo Tomas Teletigers sa semifinals, 96-92 at 119-81.  Kinailangan ni Yap ng tatlong laro bago pabagsakin ang isa pang Teletiger Eryx Daniel delos Reyes, 65-53, 72-83 at 88-67. 


Kinalimutan ni Medina ang pagkatalo niya sa unang dalawang laro sa Grupo A ng elimination round at nanaig sa huling limang laro upang magtapos sa 5-2 at pangalawa kay delos Reyes na 6-1.  Perpektong 7-0 si Argame sa Grupo B at 6-1 si Yap. 


Ang kampeonato ang bunga ng anim na buwan na paghahanda.  Ayon kay Ateneo coach Nite Alparas, malaking hamon na ipagsabay ang ensayo at pag-aaral subalit habang papalapit ang UAAP ay lumakas ang paniniwala niya na makukuha ng Blue Eagles ang titulo. 


Si Coach Alparas ang humahawak din sa pambansang koponan E-Gilas at nakikita niya ang potensiyal nina Medina at Yap na katawanin ang Pilipinas.  May parating na torneo ng E-FIBA na punong-abala ang Pilipinas sa Disyembre. 


Samantala, magsisimula ngayong Sabado ang inaabangang bakbakan sa Mobile Legends: Bang Bang.  Babalik ang walong paaralan sa Ateneo simula 10:00 ng umaga at tatakbo ang torneo hanggang Agosto 21.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page