Ateneo new recruit Yana itinumba ng COVID-19
- BULGAR

- Jul 25, 2020
- 1 min read
ni MC / Anthony E. Servinio - @Sports | July 25, 2020

Dalawang personalidad sa Philippine Football ang pumanaw. Halos magkasunod na namatay sina goalkeeper at coach Roland Sadia, 35, at manlalaro Alyana Bautista, 17.
Tubong Cote D’Ivoire, si Sadia ay nakilala sa kanyang paglaro para sa mga koponan ng Global at Stallion Laguna simula pa noong 2012 sa dating United Football League at sa Philippines Football League. Naging coach at ginabayan ang mga goalkeeper ng Stallion.
Nakikipag-ugnayan na ang koponan sa pamilya ni Sadia. Nananawagan si Coach Ernie Nierras ng Stallion na igalang ang privacy ng pamilya at itigil ang mga haka-haka tungkol sa dahilan ng pagkamatay.
Noong Hulyo 10 ay tumungo ang buong Stallion sa tanggapan ng PFF upang magpasuri para sa COVID-19 bilang bahagi unang hakbang ng pagbalik nila sa ensayo para sa PFL. Lahat sila, kasama si Sadia, ay nag-negatibo.
Si Bautista nakatapos na ng Grade 12 sa Miriam College sa Quezon City at nakatakdang mag-aral sa katabing Ateneo de Manila University bilang iskolar ng kanilang Women’s Football Team sa UAAP.
Nagkaroon siya ng Acute Disseminated Encephalomyelitis (ADEM), isang bihirang karamdaman ilang buwan na ang nakakaraan. Hindi nakatulong nang mag-positibo siya para sa COVID-19 noong nakaraang linggo.
Kahit bata pa, pinakita ni Alyana ang kanyang husay at nakipagsabayan sa mga mas matandang kalaro sa 2019 PFF Women’s League para sa Nomads-Ateneo. Maaga pa lang ay nakasama na niya ang mga sana ay magiging kakampi sa parating na UAAP Season 83.





Comments