Atat magka-gf, edad 30 pa magkaka-dyowa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 11, 2022

KATANUNGAN
Sa edad kong 29, hindi pa ako nagkaka-girlfriend, pero malakas naman ang loob kong manligaw. Naisipan kong kumonsulta sa inyo upang ipabasa ang aking mga palad. Ibig kong malaman kung ang kasalukuyan ko na bang nililigawan ang una at huling magiging girlfriend ko?
Gusto ko ring malaman kung makakapag-asawa ako at kailan naman ito mangyayari? Sa totoo lang, halos lahat ng kasabayan at kabarkada ko ay may asawa na at palagi akong nakukuhang ninong sa kanilang mga anak. Kaya ang gusto ko namang mangyari ay kung makakapag-asawa ako, sila naman ang kukunin kong ninong o ninang ng aking mga anak.
KASAGUTAN
Posibleng mabigo ka ulit sa iyong nililigawan dahil sadyang napadulo ang pagsulpot ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung 29-anyos ka na ngayon, hindi pa ito ang tamang panahon upang ikaw ay magka-girlfriend nang seryoso hanggang sa tuluyang makapag-asawa. Sa halip, ang tamang panahon ay humigit-kumulang, nasa mid-30s ka pa makakapag-asawa.
Ang pag-analisang mabibigo ka na naman sa iyong nililigawan sa kasalukuyan ay madali namang kinumpirma ng maliliit na hiblang pababa sa iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na dahil hindi ka masyadong seryoso o tapat sa panliligaw, manaka-naka, marami ka pang mga kabiguan at pagka-busted na mararanasan, hanggang sa bandang huli, kusa ring darating sa iyo ang babaeng inilaan ng kapalaran. At tulad ng nasabi na, matutupad ang iyong kaisa-isang Marriage Line (1-M arrow a.) sa edad mong 34 pataas.
MGA DAPAT GAWIN
Kung ang babae na tumandang dalaga ay sinabing, hindi nakapag-asawa dahil kulang sa landi o mahina ang sex appeal, tumatandang binata naman ang lalaki dahil sa dalawang dahilan. Una, torpe at takot talaga sila sa mga babae, kaya nagpasya na lang na makuntento sa patingin-tingin at palipad hangin. Pangalawa, may ilan sa kanilang ligaw nang ligaw, pero hindi nararamdaman ng nililigawan nila ang pagiging seryoso at tapat sa kanilang pag-ibig. Dahil dito, hindi sila pinaniniwalaan ng babaeng kanilang nililigawan.
Sa kaso mo, Darren, dahil ligaw ka nang ligaw at marahil ay seryoso ka naman sa mga babaeng iyong nililigawan, ayon sa iyong mga datos, tiyak ang magaganap, makakapag-asawa ka at ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2027 at sa edad mong 34 pataas.




Comments