ASEAN Club C'ships idaraos na sa 2022

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 29, 2020

Nagpasya ang ASEAN Football Federation (AFF) na sa 2022 na gaganapin ang unang edisyon ng AFF Clubs Championship (ACC). Ang napipintong masikip na kalendaryo ng Football sa 2021 bunga ng mga inilipat na naudlot na torneo ngayong 2020 ay naging pangunahing dahilan upang magbago sa ikalawang pagkakataon ang simula ng torneo.
Ang ACC ay dapat nagsimula noong nakaraang Abril tampok ang isang dosenang koponan. May nakalaan na $500,000 (P24.04 milyon) gantimpalang salapi sa magiging kampeon.
Tuloy pa rin ang paghahanda at pag-aaralan at itutugma ang mga kalendaryo ng bawat kasaping liga bago maglabas ng mga tiyak na petsa. Ilalabas sa mga susunod na buwan ang opisyal na logo at tropeo ng ACC.
Malaking bagay ang paglipat ng AFF Suzuki Cup, ang pangunahin at pinakamalaking torneo sa rehiyon, sa Abril ng 2021. Nariyan din ang pagsisimula muli ng pinagsabay na qualifier para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup China kung saan marami sa bansa sa Timog Silangang Asya ay buhay na buhay pa ang kampanya.
Marami sa mga liga ay nagbawas ng kanilang mga laro upang makaraos lang ngayong 2020 kasama ang Philippine Football League (PFL) kung saan itinanghal na kampeon ang United City. Maliban sa PFL, nakoronahan na rin ang mga kampeon na Johor Darul Ta’zim ng Malaysia, Viettel ng Vietnam, Lao Toyota ng Laos, Boeung Ket ng Cambodia at Shan United ng Myanmar.
Kasalukuyang tumatakbo ang mga liga sa Singapore at Thailand. Tuluyang pinagpaliban ang mga liga sa Brunei at Timor Leste habang wala pa ring linaw ang estado ng liga sa Indonesia.





Comments