Anti-Duterte politicians kinakabog na, VP Sara, No. 1 uli sa Pres’l survey

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 24, 2024

MGA ANTI-DUTERTE POLITICIAN, KABADO KASI NAG-TOP NA NAMAN SI VP SARA SA PRESIDENTIAL SURVEY -- Sa latest presidential survey na isinapubliko ng Tangere firm ay nag-top na naman si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, pumangalawa si Sen. Raffy Tulfo, pangatlo si former Vice Pres. Leni Robredo, pang-apat si Sen. Grace Poe at panlima si former Manila Mayor Isko Moreno.
Dahil top si VP Sara sa presidential survey na ito, tiyak kakaba-kaba at lagot kay ex-P-Duterte ang mga anti-Duterte politician, kasi kung magpapatuloy ang ganitong survey ay may posibilidad na maging presidente sa 2028 election ang anak ni Digong, boom!
XXX
MAY KATIGASAN NG ULO ANG TANGERE FIRM, MISMONG SI SEN. RAFFY TULFO NA NAGSABING ‘DI TATAKBO FOR PRESIDENT, ISINASAMA PA SA SURVEY -- May katigasan din naman ang ulo ng mga namumuno sa Tangere firm.
Mismong si Sen. Raffy Tulfo na kasi ang nagsabi na huwag nang isama ang kanyang pangalan sa mga presidential survey dahil hindi naman daw siya tatakbong presidente sa 2028 election, at wala siyang ambisyong maging pangulo ng Pilipinas, eh ang ginawa ng Tangere firm isinama pa rin ang pangalan ng senador, tsk!
XXX
MAGANDANG LABAN ANG SARA VS. LENI SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION --Tinuldukan na ni former VP Leni Robredo ang isyung tatakbo siya sa pagka-senador, dahil ang nais daw niya ay kumandidato sa pagka-alkalde sa Naga City para makapaglingkod sa mga kababayan niya sa lungsod na ito.
Sure win naman si ex-VP Leni sa pagka-alkalde sa Naga City, baka nga maging unopposed pa siya sa pagka-mayor sa lungsod.
Kung sakali na mas mapaunlad pa ni ex-VP Leni ang naturang lungsod ay baka manawagan uli sa kanya ang mga kakampink at dilawan na tumakbo siya uling presidente sa 2028, at kapag nakumbinse aba’y magandang laban iyan sa kanilang dalawa ni VP Sara dahil pareho silang abogada, kapwa naging mayor, naging VP at parehong babae, abangan!
XXX
KAPAG PAGKA-GOBERNADOR ANG TINAKBUHAN NI EX-VP LENI, MATATAPOS NA ANG MATAGAL NA PANAHONG PAMUMUNO NG VILLAFUERTE SA CAMSUR -- May katagalan pa ang filing ng candidacy sa October 1-8, 2028, at sakali na may kumumbinse kay ex-VP Leni na kumandidato sa pagka-gobernador ng Camarines Sur ay malamang matapos na ang matagal na panahong pamumuno ng pamilya Villafuerte sa lalawigan.
Nang kumandidato kasi si Leni Robredo sa pagka-kongresista ng 3rd district ng CamSur, ay history ito dahil siya lang ang tumalo sa pamilya Villafuerte sa distritong ito, higit sa kalahati ang lamang ng boto niya kay Mrs. Nelly Villafuerte na misis ni former Gov. Luis Villafuerte at nanay naman ni CamSur 2nd Dist. Rep. L-Ray Villafuerte.
‘Ika nga, puwedeng maulit ito, na talunin ni Leni na kilalang anti-political dynasty, ang political dynasty ng Villafuerte sa gubernatorial race sa CamSur, period!




Comments