ANGEL SA MGA ARTISTA: KAHIT MAGPA-CUTE KAYO SA IG, WALA NA KAYONG CAREER!
- BULGAR

- Jul 20, 2020
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 20, 2020

“Akala n’yo ba, Lopez ang nakalaban n’yo? Hindi! Hindi sila mamamatay sa gutom! Simpleng mamamayan ang magugutom!” ito ang galit na galit na pahayag ni Angel Locsin sa ginanap na noise barrage sa harapan ng ABS-CBN Sgt. Esguerra Street, Quezon City nu'ng Sabado.
Nabanggit pa ni Angel na base sa mga lumalabas sa balita ay ibebenta ang ABS-CBN.
“Pinatay nila ang mga taong dapat protektahan nila, ‘yung mga taong bumoto sa kanila! ‘Yung mga taong dapat protektahan nila ang trabaho na ipinapangako nila bawat eleksiyon! Pinatay nila ang mga simpleng tao! Empleyadong nagtatrabaho na bumoto sa inyo! Napaka-unfair!” gigil na pahayag ni Angel habang hinihiyawan siya ng mga tao at ang iba ay pumapalakpak pa.
Obviously, ang gobyerno ang tinutukoy ng aktres sa mga patutsada niya sa rally.
Hindi rin pinalampas ni Angel ang mga kapwa artistang hindi nagsasalita o nagtatanggol sa Kapamilya Network.
“Sa mga kasamahan kong artistang hindi nagsasalita, ano? May career pa ba kayo? Wala na! Wala na kayong network! Kahit magpa-cute kayo d'yan sa Instagram, bakit hindi ninyo damayan ang mga katrabaho ninyo na dahilan kung bakit kayo sumikat?
"Huwag kayong matakot, wala na kayong poprotektahang career o image,” panghihikayat ng dalaga.
Naiintindihan daw ni Angel na ang mga tulad nilang artista ay dapat tahimik lang o neutral, pero sa nangyayaring ito na hindi sila magsasalita ay iisa lang ang ibig sabihin, “Kinampihan ninyo ang mali!”
Nabanggit din ng aktres na wala na siyang kontrata sa ABS-CBN na kung tutuusin ay wala na siyang pakialam pero hindi niya magawang talikuran ang mga taong tumulong sa kanya nu’ng walang-wala siya kasama ang buong pamilya niya.
“May utang na loob ako sa kanila at ginagawa ko ito dahil ito ang tama para sa mga tao. Hahayaan ba natin na ang mga laban ng mayayaman ay ang mahihirap ang magdusa?” ang dahilan ni Angel kaya niya ipinaglalaban ang ABS-CBN dahil ipinasara ito.





Comments