ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | December 2, 2022
Maitutulad sa isang naglalakbay sa daan ang tinatahak na landas ng BULGAR. Pakay lumayo at umakyat pa ng matagumpay sa matataas na lugar, pero ang mga susuungin na daan tungo sa mas malayo pang mararating ay pawang may iba't ibang mapanubok na sitwasyon.
Sa unang dalawang taon ng BULGAR (Pahayagan ng Katotohanan), matrapik dahil hindi basta makausad sa mga karibal na tabloid at magasin na unang humarurot sa kalye.
Subalit sa husay ng pagmamaneho ng publisher na si Gng. Leonida B. Sison at yumaong mister na si G. Rainier Sison, sinabayan nila ang harurot kahit makitid ang daan.
Pagsapit sa ika-5 kilometrong taon na daan, naroon na tuwing bubusina ang kopya ng Bulgar sa bawat kanto, nililingon ng masa, paparahin dahil makulay ang bawat kulurete ng kuwento. Nakikiliti ang marami kapag sinasakyan ang behikulong handog na istorya ng diyaryo. Natutuwa pa rin sila kahit nakababa na ang estribo ng pahina, parang gusto pa nila uling abangan sa kabilang dulo ng kalye ang Bulgar upang muling sakyan at tunghayan ang mga kuwentong kapana-panabik sa araw-araw na pagdaraan. Dito, ang biyahe ay nakaabang na ang mga terminal ng matitingkad na advertisement.
Sumasabay sila sa harurot ng pahinang walang pagod araw-araw ang biyahe sa mga lansangan.
Pagsapit sa ika-15 taon, nagka-aberya man ang biyahe dahil sa pagtagilid ng gulong ng ibang departamento bunga ng mga masalimuot, baha at maputik na daan, nailabas ang itinatagong reserbang magpapalutas sa mga problema. Kinumpuni ang mga parteng kinalawang, inalis at pinalitan ang mga nasira at nawalang turnilyo upang muling makausad ang bagong gulong sa nahihitik na kargang impormasyon ng Bulgar (Boses ng Masa, Mata ng Bayan).
Nasa ika-25 kilometrong taon na ang Bulgar (No. 1 sa pamilyang Pinoy) nang lumawak pa ang daang tinahak at maparaan sa tollgate ng online platform. Makabago ang daan, malawak ang mga linyang puwedeng maniobrahin ng mga balita at tsismis, mapa-streamline man o online, wala pa ring trapik na diretso lang ang buga ng tambutso ng diyaryo.
Subalit, bago pa makarating sa dulo ng ika-31 kilometrong taon, nabalahaw ang behikulo sa ika-29 na kilometro nang salubungin ng COVID-19. Gumarahe sandali ang Bulgar upang makaiwas sa kumunoy ng pandemya. Umabot ng halos 2 taon na walang biyaheng diretso. Tila mga mandirigmang nasukol ang nagmamaneho at sakay ng diyaryo sa isang 'zombieland.'
Salamat at naparaan ang rescue ng mga bakuna, naka-survive mula sa magubat at mabangis na daan ng ika-30 kilometro ang Bulgar. Natanaw na at narating ng mga nagkaisang sakay upang makabangon sa lugmok na pagsubok ng pandemya ang dulong yugto ng ika-31 taong landas na pinakaaasam! MALIGAYA ANG PAGDATING NG BULGAR SA 31-TAONG KILOMETRO!
留言