Ang bagal kasi magdesisyon ng DepEd Sec… Kanselasyon ng klase, si P-BBM na ang gumawa
- BULGAR
- Aug 25, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 25, 2022
BABAGAL-BAGAL SA PAGDEDESISYON SI DEPED SEC., VP SARA KAYA SI P-BBM NA ANG NAG-ANNOUNCE NA WALANG KLASE DAHIL SA BAGYO—Nitong nakalipas na Martes, Aug. 23, dahil sa banta ng Bagyong Florita ay sinuspinde ni P-BBM ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan.
Aba, teka, bakit si P-BBM ang nagsuspinde, hindi ang Department of Education (DepEd) secretary na si Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio?
Siguro, nababagalan si PBBM sa aksyon ni DepEd Sec., VP Sara kasi may bagyo na, pero wala pa siyang announcement at para 'ika nga ay mas matiyak ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral sa panahon ng unos, mismo ang presidente na ang nagdeklara ng suspensyon ng klase sa mga nabanggit na lugar.
◘◘◘
DEPED, MAY PINAKAMALAKING BUDGET PERO PALPAK ANG SERBISYO SA MGA MAG-AARAL—Sa muling pagbubukas ng klase ay tumambad sa publiko ang kakulangan ng classrooms, may pandemic pa pero siksikan sa isang room ang mga estudyante, maraming kwarto rin ang kulang ang upuan, may mga eskwelahan din ang binabaha.
Sa lahat ng departamento ng pamahalaan, DepEd ang may pinakamalaking budget taun-taon, tapos ganyan ang uri ng serbisyo nila sa mga mag-aaral, serbisyong palpak.
◘◘◘
DAHIL KAPOS NA ANG SUPPLY NG ASIN, BAKA PATI ANG MAHIHIRAP NA NAGDIDILDIL SA ASIN AY WALA NANG MAIULAM—Noong July 18, 2022 ay sinabi ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo na kinakapos na sa supply ng asin ang bansa at kamakalawa ay inanunsyo ni Agriculture Usec. Domingo Panganiban na nagpaplano na ang DA na mag-angkat ng asin.
Ganun, pati pala asin ay may shortage na ang Pilipinas kahit pa ang bansa ay napalilibutan ng dagat na siyang ginagawang asin.
Aba'y dapat tugunan na agad ng pamahalaan ang problemang ito sa asin kasi baka dumating ang panahon na wala nang iulam ang mga maralita nating kababayan na nagdidildil ng asin sa pagkain.
◘◘◘
BGY. OFFICIALS NA ADIK, KURAKOT, PABAYA AT ABUSADO, SUSUWERTIHIN KAPAG NA-POSTPONE ANG BGY. AT SK ELECTIONS—Viral ngayon sa social media ang barangay officials, si Kagawad Renante Chiong ng Bgy. Mainit, Naga City, Cebu na inaresto matapos makunan ng video habang siya ay bumabatak ng shabu.
Maraming tulad niya na barangay officials na sugapa sa droga at meron ding mga kurakot, pabaya at abusado, at ang mga lintek na 'yan, tila susuwertihin pang manatili sa poder kapag nagtagumpay ang mga senador at kongresista sa hangarin nilang i-postpone ang barangay at SK elections na nakatakda sa Dec. 5, 2022.
Comments