Anak na gusto nang umuwi dahil hirap nang magsolo matapos maglayas
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 10, 2023
Dear Sister Isabel,
Isa akong millennial, ibang-iba ang kaisipan kumpara sa panahon ng mga magulang ko.
Magulong-magulo ang isip ko ngayon dahil lumayas ako sa amin. Naririndi na kasi ako sa maya’t mayang pangaral ng magulang ko dahil wala silang tiwala at para bang tanga ang turing nila akin. Hindi naman ako ganu’n, marunong naman ako sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kapaligiran ngayon.
Sister, para akong nasasakal sa kahigpitan ng mga magulang ko, kaya lumayas ako at namuhay mag-isa. Nag-sideline ako ng kung anu-ano para mairaos ko ang buhay ko, pero mahirap pala talaga kapag walang pamilyang masasandigan. Nagsisisi na ako sa ginawa kong paglayas sa amin at gusto ko nang umuwi, pero natatakot ako dahil baka kung ano gawin nila sa akin.
Sana ay mapayuhan n’yo ako ng tamang paraan para malutas ang problema ko sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat,
Geraldine ng Tondo
Sa iyo, Geraldine,
‘Ika nga, walang magulang na nakakatiis sa anak. Batid nilang babalik at babalik ka sa bahay n’yo dahil hindi mo kakayanin ang mag-isa. Marahil ay panay ang dasal nila na sana ay matuto ka ng leksyon at mabawasan ang pagiging matigas ang ulo.
Ipinapayo ko na umuwi ka na at ‘wag mag-alala dahil bukas-palad kang tatanggapin ng mga magulang mo. Bagama’t madalas ka nilang pangaralan, ‘yan ay dahil mahal na mahal ka nila at ayaw nilang may mangyari sa iyong masama. Wala silang hangad kundi ilagay ka sa tamang landas upang makamit mo ang iyong mga pangarap. Kaya huwag mong masamain kung pinapangaralan ka nila.
Bagkus, magpasalamat ka dahil may oras sila sa iyo, ‘yung ibang mga magulang ay wala nang oras sa kanilang mga anak, puro negosyo ang inaasikaso at iba pang bagay na may kaugnayan sa pananalapi. At least, ang mga magulang mo ay laging nakaalalay, nagbibigay ng payo at pinapangaralan ka kung hindi tama ang nagawa mo.
Muli, bumalik ka na sa kanila, humingi ka ng tawad at mangakong susundin ang kanilang pangaral sa iyo. Tiyak na matutuwa sila dahil nagbalik ka upang mabuo ulit ang pamilya n’yo. Hangad ko ang kaligayahan n’yong lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments