Anak, ayaw makihalubilo nang magkaroon ng buwanang dalaw
- BULGAR
- Mar 8, 2023
- 1 min read
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | March 8, 2023
Dear Sister Isabel,
Nawa ay lagi kayong nasa mabuting kalagayan, gayundin ang pamilya mo at mga kasamahan d’yan sa BULGAR.
Ang problema ko ay tungkol sa anak kong dalagita. Mula kasi nang magkaroon siya ng buwanang dalaw, ayaw na niyang makihalubilo sa mga kaibigan niya, palaging nakakulong sa kuwarto, at ‘pag may bisita kami ay hindi siya bumababa o nakikipag-usap sa mga kaanak naming dumadalaw. Gayunman, matalino siya at magaling sa school.
Ano ang dapat kong gawin para bumalik ang dati niyang sigla at pagiging masayahin gaya noong hindi pa siya nagkakaroon ng buwanang dalaw? Sana ay mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Jessa ng Dapitan
Sa iyo, Jessa,
Makabubuti kung palagi n’yo siyang ipapasyal sa iba’t ibang lugar para malibang at hindi laging nakakulong sa kuwarto niya. Imbitahan n’yo rin ang mga kaibigan niya at kaanak n’yo na ka-edad niya para mag-bonding sila, magkuwentuhan at magkatuwaan.
Gayundin, bilang ina, ipaliwanag mo sa kanya ang pagbabago sa stages ng pagkababae niya, na lahat ng babae ay nagkakaroon ng buwanang dalaw, at huwag niya itong dibdibin at maging normal lang gaya ng dati. Bahagi ‘yun ng pagdadalaga niya at kailangan niyang tanggapin nang buo ang pagbabagong ito.
Makabubuti ring isangguni mo sa eksperto ang problema mo sa iyong anak dahil sila ang nakakaalam ng tamang approach para sa ikabubuti niya. Umasa kang mailalagay sa ayos ang ugali ng anak mo kung susundin mo ang payo ko.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments