top of page

Amo na idinemanda ng kasambahay, problemado dahil ‘di pa tapos ang kaso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 3, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 3, 2023



Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang problema ko dahil magulong-magulo ang isip ko.


Akala ko kasi ay inurong na ng katulong ko ang reklamo niya sa akin na physical injury, pero puro salita lang pala. Hindi siya gumawa ng pormal na salaysay na hindi na niya itutuloy ang kaso laban sa akin, pero itinuloy niya. Kaya heto ako ngayon, laging dumarating sa hearing ‘pag sinabihan kami ng fiscal na humahawak sa kaso.


Ang hindi ko maintindihan, siya ang hindi dumarating sa takdang oras at kung anu-ano ang dahilan na kesyo natrapik daw siya at parang delaying tactic na lang ang ginagawa niya.

Hindi ko rin maunawaan kung bakit ‘di pa tapusin ng fiscal ang kaso, gayung maliwanag na parang pinatatagal niya lang. Nag-uumpisa na akong magduda na baka nasuhulan niya ang fiscal, pero huwag naman sana.


Ano ang dapat kong gawin upang mapanatag na ang isip ko? Alam ko na sa pamamagitan ng payo niyo, gagaan ang kalooban ko, kaya hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Ben ng Olongapo


Sa iyo, Ben,


Sa lahat ng problema sa mundo, dalawa lang ang pinakamatindi — ang maospital ka dahil sa malalang sakit at ang mademanda ka sa hukuman dahil sa isang kaso na hindi naman gaanong mabigat, pero ubos ang pera at oras mo.


Sa dalawang nabanggit, parehong magtatapon ka lang ng pera hanggang masagad ka.


Tanging taimtim na dasal ang lunas sa problema mo. Huwag kang magsawang tumawag sa Diyos Ama sa langit na tapusin na ang problema mo. Natitiyak ko na kung bukal sa loob mo ang pagdarasal, diringgin ka ng Diyos dahil walang imposible sa Kanya. Magugulat ka na lang, tapos na ang kaso mo at hindi na aakyat sa korte. Tatapusin na ng fiscal na siyang nagsilbing mediator niyo ng katulong mo.


Manalig ka, manampalataya ka nang walang halong pag-aalinlangan, at ang problema mo ay hindi na magtatagal. Papabor sa iyo ang tadhana dahil nararamdaman ko, malakas ang aking kutob na matatapos na sa lalong madaling panahon ang kaso mo dahil iuurong din ng katulong mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page