top of page
Search
  • BULGAR

Alok na kasal ng foreigner bf, ayaw tanggapin dahil sa mga anak

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 19, 2021


Dear Sister Isabel,


Ako ay biyuda at sa awa ng Diyos, napagtapos ko na sa pag-aaral ang aking tatlong anak at ngayon, may kani-kanya na silang pamilya. Maraming nag-o-offer sa akin ng marriage ngayon at karamihan sa kanila ay mga foreigner at napabibilang sa mayamang angkan. May napupusuan na ako, pero iba ang kanyang relihiyon niya at willing siyang pakasalan ako sa Catholic church dahil pinapayagan sa kanila ‘yun.

Noong una ay ayos lang kami, pero kamakailan ay nagselos ako nang todo at tuluyan kaming nagkatampuhan. Matagal din kaming tumigil sa pagcha-chat at akala ko ay pinalitan na niya ko. Pero last week lang ay nag-message siya sa akin na handa na raw siyang pakasalan ako.


Kung papayag ako, pupunta raw siya rito sa Pilipinas upang pakasalan ako at magsama na kami habambuhay.


Gayundin, nauunawaan na raw niya ang sobrang pagiging selosa ko at kaya niya itong pagpasensiyahan. Naguguluhan ako, Sister Isabel, hindi ko alam kung papayag akong magpakasal sa kanya o hindi. Sa totoo lang, hindi na ako bata dahil nasa early 50s na ako at tiyak na hindi papayag ang mga anak ko kung mag-aasawa pa akong muli. Isa pa, sa chat at video call lang kami nagkaibigan ng boyfriend ko na 65-anyos.

Ano ang maipapayo n’yo sa akin? Alam kong matutulungan n’yo ako para makapagpasya nang maayos.


Nagpapasalamat,

Flor ng Capiz


Sa iyo, Flor,


Hindi ka na bata para hindi magpasya nang tama para sa sarili mo. Kung ano ang makakapagpaligaya sa iyo, ‘yun ang gawin mo. Kung inaakala mong mahal mo ang boyfriend mo ngayon at siya ay ganundin at sa palagay mo ay liligaya ka sa kanya, ano pa ang hinihintay mo, tanggapin mo na ang inaalok niyang kasal. Ang edad ay edad lang, ngunit ang puso ay hindi tumatanda. Karapatan ng bawat isa na umibig at magmahal.


‘Ika nga, napakalungkot ng walang nagmamahal dahil walang kulay ang paligid at walang thrill.


Hindi naman maibibigay ng iyong mga anak ang kaligayahang inaasam-asam mo at sila naman ay may kani-kanya nang buhay at maligaya na rin. Natitiyak kong hindi nila ipagkakait sa iyo ang ligayang pinapangarap mo kung mag-aasawa ka dahil naiintindihan ka nila. Kaya, sige lang, hangga’t may asim ka pa, sumige ka.


Ang buhay ng tao ay maikli lang, lalo na sa panahon ngayon, i-enjoy mo lang hangga’t may pagkakataon.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page