Allowance para sa health workers, ibigay na!
@Editorial | June 20, 2022
Mahigit 120,000 healthcare workers at iba pang personnel ang hindi pa umano nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA). Ito ay ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Samantala, 400,000 mula sa 526,727 healthcare workers naman ang nabigyan na ng OCA ng pambansang gobyerno.
Una nang sinabi ng presidente ng Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) na ang karamihan sa mga pribadong ospital ay hindi pa nakatatanggap ng kanilang OCA.
Nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa PHAPI ukol sa listahan ng ospital na ang kanilang health workers ay hindi pa nakatatanggap ng OCA.
Matatandaang, naglaan ang DBM ng P7.92 bilyong budget para sa COVID-19 allowance ng mga pampubliko at pribadong healthcare worker at non-healthcare worker. Sa halagang ito, P4.5B ay para sa benepisyo ng 100,313 plantilla workers ng DOH sa mga pampublikong ospital, opisina, at rehabilitation centers kabilang ang mga nasa military at state university hospitals. Ang natitirang P3.42B ay para sa 426,414 health workers na nakatalaga sa local government units, private health facilities, at iba pa.
Inaasahan na P9,000 ang ibibigay sa mga matutukoy na may mataas na panganib sa viral disease; P6,000 para sa medium risk; at P3,000 para sa low risk.
Nauna nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nag-uutos ng patuloy na benepisyo sa lahat ng mga healthcare workers sa bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang mga emergency sa kalusugan ng publiko sa hinaharap.
Bagama't malapit nang matapos ang kanyang termino, tiyak at dapat lang naman na maipagpatuloy ito sa susunod na administrasyon.
Grabe na ang hirap at sakripisyo ng ating mga health workers, huwag na sana natin silang pahirapan pa. Anumang benepisyo at suporta na nararapat ay ibigay na.



Comments