Alert Level 1, kaya na basta may disiplina
@Editorial | February 14, 2022
Ngayong araw inaasahang tatalakayin ng IATF ang bagong quarantine status sa bansa hanggang sa katapusan ng Pebrero, at kung handa na ba ang National Capital Region (NCR) na mailagay sa ilalim ng Alert Level 1.
Una nang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, na depende pa sa presentation ng Technical Working Group ang magiging bagong alert level classification mula Pebrero 16 hanggang 28.
Sa ngayon, ang Metro Manila at ilang mga probinsiya ay nasa ilalim ng Alert Level 2 mula Pebrero 1 hanggang 15.
Sakaling maibaba sa Alert Level 1 ang sitwasyon sa NCR, kailangan pa ring mag-ingat, lalo pa ngayong umarangkada na ang electoral campaign activities kaugnay sa May 2022 elections.
Kapansin-pansin na kaliwa’t kanan na ang mga pagtitipon, hindi rin maawat ang mga supporters sa pagdumog sa kanilang mga kandidato.
Halos hindi na maiwasan ang paglabag sa mga protocols bagay na huwag naman sanang mauwi sa muling pagkalat ng COVID-19.
Tulad ng sinasabi ng mga awtoridad, bumababa man hawahan, nandiyan pa rin ang COVID-19.
Sakaling mag-Alert Level 1 sa Metro Manila at ma-overwhelm na naman ang healthcare utilization rate, dapat tayong maging handa.
Huwag nating hayaan na muling lumala ang sitwasyon. Unti-unti na tayong nakakabangon, galingan pa natin hanggang sa tuluyan nang makabawi.
Ang pagiging disiplinado ay napakalaking bagay, huwag tayong makalimot.



Comments