top of page

Alas Pilipinas nabigo sa Tunisia, pakay na makabawi sa Egypt

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hindi alintana kay Alas Pilipinas team captain Bryan Bagunas ang depensa nila Ahmed Khadi at Ali Bongui ng Tunisia sa maaksiyong tagpo ng FIVB Men's World Volleyball Championship sa MOA Arena, Pasay City. (Reymundo Nillama)


Determinado pa rin ang Alas Pilipinas na makabawi sa susunod na laban matapos na makapulot ng mahuhusay na teknik sa larong ipinakita ng Tunisia na unang nakakuha ng 3-0 panalo sa engrandeng pagbubukas ng FIVB Volleyball Men's World Championship Philippines 2025 kagabi sa MOA. Nagtapos ang laban sa 25-13, 25-17 at 25-23 para sa maagang liderato ng Tunisia sa Pool A.


Kahit naihulog ang unang dalawang set, nabuhayan ang Alas sa pangatlo sa likod nina kapitan Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales. Itinulak ni Bagunas ang pambansang koponan sa 23-23 tabla subalit hanggang doon na lang at nag-iwan ng lakas ang Tunisia para sa mga puntos na nagtahi ng buwenamanong tagumpay.


Naitatak ang layo ng kalidad ng Tunisia na ika-24 sa FIVB Ranking kumpara sa ika-61 Pilipinas. Hawak ang 2-1 bentahe, humarurot ng 10 walang sagot na puntos ang Tunisia upang maging 12-1 at tuluyang kunin ang unang set.


Nakatikim ng unang lamang ang Alas sa puntos ni Bagunas sa simula ng pangalawang set, 1-0, subalit napalaki ng Tunisia ang agwat, 14-7. Mag-isang itinaguyod ni Bagunas ang Alas na may 23 puntos mula 20 atake. Sumunod si Espejo na may siyam at Peng Taguibolos na may apat.


Nanguna sa Tunisia si Oussama Ben Romdhane na may 17. Sumuporta sina Ahmed Kadhi, Elyes Karamosli at Ali Bongui na may tig-siyam. Puntirya ng Alas na bumawi laban sa Ehipto sa pangalawang laro. Gaganapin sa Martes sa parehong palaruan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page