Alamin: Tips para maibalik ang passion
- BULGAR
- Mar 14, 2022
- 2 min read
ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| March 14, 2022

Maraming nagbago sa mga nakalipas na taon. Bukod sa ating paraan ng pamumuhay dahil sa pandemya, nagbago na rin ang ating pag-unawa sa mga bagay, gayundin ang ating mga nakasanayan.
Marahil, ‘yung iba sa atin ay tila nawalan na ng ‘passion’ sa kanilang mga ginagawa. ‘Yun bang, dati ay sobrang saya mo sa isang bagay tapos ngayon, sobrang mag-e-effort ka para ma-enjoy mo ito, in short, nakararamdam ka na ng burnout.
Kaya naman bukod sa hamon ng pandemya, eh, naging hamon na rin ang paghanap ng motibasyon upang magpatuloy sa buhay. Paano nga ba natin ito gagawin?
1. ALALAHANIN ANG RASON KUNG BAKIT NAGSIMULA. Kapag gustong-gusto mo nang sumuko, mahalagang alalahanin ang inyong progress. Kumbaga, balikan mo kung gaano kalaki ang pinagbago mo. Sa ganitong paraan, babalik ang ‘spark’ o excitement mo sa iyong passion.
2. ‘WAG MATAKOT MAGSIMULA ULIT. Kung may mga bagay na feeling mo ay nakapagpapabagal sa iyong progress, ito ang senyales na kailangan mong pag-aralan o alamin ang mga bagay na importante sa ‘yo. ‘Ika nga, hindi masamang mag-back to zero dahil sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng bagong perspective at makatutulong ito upang mag-grow ka.
3. MAGHANAP NG INSIPIRASYON. Hindi kailangang maging bongga ang inspirasyon mo. Dahil sabi nga, ang inspirasyon ay puwedeng makita kahit saan. Kaya ‘pag may chance kang makahanap nito, isulat mo sa journal o gumawa ka ng “inspiration board”. Puwede ring magsimula ka ng bagong hobby at hayaan mo lang itong magtuluy-tuloy.
4. HUMINGI NG TULONG. Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi masamang humingi ng tulong sa ating mga kaibigan o kapamilya dahil hindi ito nangangahulugan na mahina ka. Kung hindi n’yo kayang mag-meet up ng mga kaibigan mo, puwedeng gumawa ng online support group at doon kayo mag-usap-usap o magbigayan ng advice.
5. MAGPAHINGA KA. Bagama’t dapat kang maging productive, mahalaga ring magpahinga. Hindi naman ito pagsasayang ng oras, bagkus, makatutulong ito upang mas makapag-isip at makapag-function ka nang sa gayun ay mas madali mong ma-achieve ang iyong goals.
For sure, hindi lang ikaw ang nasa ganitong phase, besh. Kaya sa halip na hayaan nating mawala ang ‘spark’ sa ating passion, make sure na gagawin n’yo rin ang tips na ito.
‘Ika nga, dapat matuto tayong sumabay sa panahon at kahit may problema sa ating paligid, kering-keri nating makipagsabayan para sa ating pangarap. Kalmahan mo lang, besh! Copy?
Comments