top of page
Search
  • BULGAR

Alamin: sanhi ng hadhad at paraan upang ito ay maiwasan

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 10, 2020



Dear Doc. Shane,


Namumrublema ako dahil ang singit ko ay masyadong pawisin at napansin kong mayroon itong tila pantal pero malaki, mapula at makating-makati. Ang sabi ng friend ko ay hadhad daw ang tawag dito. Ano ba ang mainam gawin upang hindi ito lumala o tuluyan ng mawala?


– Tony


Sagot


Ang hadhad ay isang uri ng impeksiyon sa balat na kadalasang tumutubo sa bandang singit. Ito ay tila malalaking pantal na mapula at makati. Ang mga organismong nagdudulot nito ay mga fungi, tulad ng Trichophyton rubrum o “T. mentagrophytes”.


Ang mga fungi na ito ay madalas naninirahan sa singit o pawising bahagi ng ating katawan. Bukod sa singit, naaapektuhan din nito ang mga paa kaya maaari ring magkaroon ng alipunga o athlete’s foot ang mga taong may hadhad.


Narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi nito:

  • Hindi wastong paglilinis ng katawan

  • Panghihiram ng mga personal na kagamitan ng taong may hadhad

  • Pakikipagtalik sa taong may hadhad

  • Paghawak sa mga infected na exercise equipment


Ang hadhad ay hindi naman mabilis na nakahahawa. Subalit, maaaring mahawaan nito kapag direktang nadikitan ang balat ng bahaging may hadhad. Upang hindi mahawaan at magkaroon ng ganitong sakit sa balat, iminumungkahi nating gawin ang mga sumusunod:

  • Panatilihing malinis at tuyo ang mga singit pati na rin ang mga karatig-bahagi nito.

  • Maligo araw-araw at ugaliing maglinis ng katawan bago matulog.

  • Magsuot ng malinis at komportableng damit — iwasan ang pagsusuot ng mga hapit o masisikip na kasuotan lalo na sa pang-ibaba.

  • Iwasang manghiram ng mga personal na kagamitan, partikular ang mga damit pang-ibaba o underwear, tuwalya at sports uniform.

  • Palaging magsuot ng tsinelas o sapatos.

  • Linisin ang kagamitan lalo na kung ginagamit ito sa pang-eehersisyo. Punasan ito ng disinfectant upang mapatay ang anumang mikrobyo.

  • Lagyan ng antifungal powder ang mga singit.


Samantala, maaaring magpahid ng mga antifungal cream na maaaring mabili sa botika, ngunit kung wala itong epekto, makabubuti kung magpapakonsulta na sa doktor nang sa gayun ay maresetahan ka ng mga antifungal medication na iniinom.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page