Alamin: 3 uri ng compatibility
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 20, 2022
Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung compatible kami ng boyfriend ko. Sa pagkakaalam ko kasi, hindi compatible ang Virgo at Libra, pero okey at masaya naman ang relasyon namin ngayon at anim na buwan na kami. Sa tingin n’yo, ano ang mangyayari sa aming relasyon, magiging kami ba sa bandang huli? September 16, 1992 ang birthday ko habang October 7, 1991 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Lorrie ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Lorrie,
Hindi naman totoong hindi compatible ang Virgo at Libra, sapagkat may pinanghahawakan tayong tatlong theory o batas ng compatibility.
Una, ang tinatawag nating “same feather flocks together,” na hango sa paniniwalang Western Astrology na nagsasabing, ang magkakapareho ng elemento na mga zodiac sign ay siguradong compatible sa isa’t isa at kadalasang matatagpuang mag-bestfriend.
Ito ay dahil ang mga elementong taglay ng bawat zodiac sign ay tinitingnan din ng mga pangunahing ugali, traits, temperaments at mga hilig o gusto ng isang indibidwal. Ibig sabihin, “same feather flocks together” ang unang teorya o batas sa compatibility.
Sa kaso mo na isang Virgo, ang tunay na ka-compatible mo sa unang teorya ng compatibility na hango sa Western Astrology ay ang kapwa mo earth type sign na Taurus, Capricorn at kapwa mo Virgo.
Samantala, ang ikalawang teorya o batas ng compatibility ay ang tinatawag na “opposite poles attract each other”. Ang paniniwala namang ito ay hango sa Oriental Astrology na nagsasabing, ang nawawala mong pagkatao ang dapat pumuno at matagpuan mo sa iyong kasuyo.
Kumbaga, kung ikaw ay mahiyain o mahina ang loob, ang katumpakang ka-compatible ay silang malakas ang loob at hindi mahiyain. Kung ikaw ay malungkutin at mapag-isa, ang kulang sa iyo ay saya at lipunan, na dapat mong matagpuan sa iyong kasuyo.
Walang iniwan sa gabi at araw upang umusad ang paglalang. Kailangang sumapit ang dilim upang kinabukasan ay lumitaw naman ang liwanag. Ganundin ang ehemplo ng “negative at positive poles” sa kuryente upang sumikad ang elektrisidad. Ito rin ang prinsipyo ng I Ching, kung saan kailangang may puwersang Yin at may energy din na Yang upang magpatuloy ang ikot ng mundo.
Ito rin ang konsepto ng “feminine at masculine” attributes ng babae at lalaki, upang kapag nagtalik at nagsama ang sexual organ ng lalaki at babae, makabuo ng baby at gumitaw ang bagong nilalang.
Sa ikalawang teoryang ito, ang ka-compatible ng zodiac sign mong Virgo na earth type element ay ang Pisces na water type element. Habang secondary compatible mo rin silang mga isinilang sa Cancer at Scorpio.
Ngayon, may ikatlong teorya o batas pa ba sa compatibility? Oo, meron pa at ito ang tinatawag na “neighboring attractions” kung saan ang batas na ito ay hinango naman sa “gravitational attraction or gravitation force” ng mga planeta sa kalawakan.
Hindi ka ba nagtataka, habang ang walong planeta ay nakalutang sa kalawakan, hindi sila nahuhulog o nalalaglag? Sa halip, may “harmonious relationship” ang walong planeta, kaya tulad ng mga bola na nakalutang sa langit, kahit minsan ay walang humulagpos o nalaglag sa kanila.
Ang lakas na hindi nakikita na nagpapanatiling magkakayakap ang walong planeta sa kalawakan ay ang tinatawag sa siyensiya na “gravitational attraction” kung saan may kani-kanyang gravity ang bawat planeta na nagsisilbing tali na hindi nakikita kaya walang nahuhulog sa kanila.
Sa Astrology ay ganundin, kapag kapitbahay mo ang isang zodiac sign, siguradong magka-compatible rin kayo. Sa kaso mo na isang Virgo, walang kamali-mali na ka-compatible mo rin ang Leo, gayundin ang Libra. Silang dalawa kasi ang kapitbahay mong zodiac sign, kung saan may lakas na hindi nakikita na naghahatakan kayo ng puwersa at naghihigupan ng enerhiya.
Kaya maraming pagkakataong hindi naiiwasan ng Virgo na magkaroon siya ng karelasyong Leo o Libra.
Sa kaso n’yo ng boyfriend mo, kahit siya ay Libra habang ikaw ay Virgo, tunay na magka-compatible pa rin kayo sa ikatlong teorya o batas ng compatiblility o ang neighboring attraction.
At ang neighboring attraction na ito ay lalo pang pinatatag at pinagtibay ng hawak n’yong mga numero, kung saan ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay compatible sa birth date n’yong nagkataong 7 rin.
Ibig sabihin, habang patuloy kayong magkahawak kamay, magkasama at hindi naghihiwalay sa tali ng marugdog na pag-ibig at pagmamahalan, magpapatuloy din ang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments