AI, gawing katuwang hindi kalaban
- BULGAR

- May 14
- 1 min read
by Info @Editorial | May 14, 2026

Sa isang talakayan ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), binigyang-diin ng mga eksperto na ang artificial intelligence (AI) ay nagsisimula nang baguhin ang tradisyunal na career pathways at nagpapababa ng demand para sa routine work.
Kaugnay nito, lumalakas umano ang mismatches sa skills at tumataas ang pangangailangan sa digital competencies gaya ng programming at data analysis.
Sinasabi rin na mababa hanggang katamtaman lamang ang kahandaan ng maraming local government units para sa AI adoption dahil sa mahinang digital infrastructure at limitadong technical capacity.
Samantala, habang tumataas ang paggamit ng AI, nananatili umanong alalahanin ng mga manggagawa ang job security at ethical use ng AI.
Kaya binigyang-diin na dapat manatiling human-centered ang AI systems upang maging katuwang sa paggawa at hindi ganap na pumalit sa mga manggagawa.
Sa totoo lang, hindi na usapin ng hinaharap ang AI. Narito na ito, at unti-unti nang binabago ang paraan ng pagtatrabaho ng maraming Pilipino. Ang hamon ngayon ay kung paano makakasabay sa pagbabagong ito.
Mahalaga ang tamang edukasyon at pagsasanay upang matutuhan ng manggagawa ang mga bagong kasanayan. Dapat ding tiyakin ng pamahalaan at pribadong sektor na may sapat na suporta para sa mga maaapektuhan ng automation.
Hindi mapipigilan ang pag-unlad ng teknolohiya. Ngunit kung gagamitin nang tama, maaaring maging katuwang ang AI sa pag-unlad ng ekonomiya at hindi kaaway ng manggagawa. Ang mahalaga ay handa tayong matuto, mag-adjust, at tiyaking tao pa rin ang sentro ng progreso.



Comments