top of page

AI content sa eleksyon, suriing mabuti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 2, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Oct. 2, 2024



Editorial

Sa nalalapit na 2025 election, nagbigay ng babala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa pagtaas ng paggamit ng artificial intelligence (AI). 


Bagama’t hindi masama ang AI, ang potensyal nitong magpalaganap ng maling impormasyon at disinformation ay isang seryosong isyu na dapat pagtuunan ng pansin.


Halimbawa nito ay ang mga deepfake — mga video at audio na ginagaya ang boses at hitsura ng mga totoong personalidad. 


Ang ganitong pangyayari ay hindi lamang nakakabahala, kundi nagdudulot din ng kalituhan sa mga botante, na maaaring umasa sa mga maling impormasyon para sa kanilang mga desisyon. 


Sa panahon ng eleksyon, kung kailan ang mga tao ay higit na nakatuon sa mga isyu at mga kandidato, ang ganitong eksena ay maaaring makasira sa integridad ng proseso ng demokratikong pamamahala.


Gayunman, mahalaga ring mapagtanto na ang responsibilidad ay hindi lamang nakasalalay sa mga botante kundi pati na rin sa mga social media platform at sa mga ahensya ng gobyerno na inatasan na protektahan ang integridad ng halalan. 

Dapat mas mabilis at epektibo ang kanilang mga hakbang sa pagtugon sa mga reklamo at sa pag-aalis ng maling impormasyon.


Sa kabila ng mga pagsisikap ng DICT na magsagawa ng mga seminar at kampanya para sa Cybersecurity Awareness Month, nananatiling hamon ang pagbibigay-alam sa publiko. Hindi kasi lahat ng tao ay may kaalaman o kakayahang matukoy ang lehitimong impormasyon mula sa fake news. 


Kaya naman, ang babala ng DICT ay isang mahalagang paalala sa lahat. Sa panahon kung kailan ang teknolohiya ay patuloy na umuunlad, dapat tayong maging mapanuri at responsable sa paggamit nito. 


Ang tamang kaalaman at pag-unawa sa mga panganib ng maling impormasyon ay susi sa pagpapanatili ng isang malinis at makatarungang halalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page