top of page
Search
BULGAR

Agawan sa lubid ng andas, 400 nahimatay, nasugatan... Mga deboto nagrambulan sa Traslacion

ni Mylene Alfonso @News | Jan. 10, 2025



File Photo: Traslacion 2025 / Quiapo Church


Sa kabila na bawal at binagong disenyo ng andas o karwahe sa Traslacion, marami pa ring mga deboto ni Jesus Nazareno ang pinilit na umakyat para hawakan ang dulo ng krus nito at ang salamin na tumatakip sa imahe.


"Hindi po maiiwasan na sumampa, pagpapakita 'yun ng pananampalataya. Hindi kumpleto ang Traslacion kung hindi sasampa," wika ni Gabriel Gutierrez, batang deboto.


Kaugnay nito, nasaktan ang isang pulis-Maynila nang magkagirian ang grupo ng mga debotong nagkapit-bisig para makadaan sa Ayala Bridge sa kasagsagan ng Traslacion.


Nagkapasa-pasa ang mukha ni PCpl. Pocholo Pamintuan nang mauwi sa sakitan ang pagpupumilit ng mga deboto na makadaan sa Ayala Bridge, bandang alas-12 ng tanghali.


Isang lalaki naman ang inaresto makaraang magrambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan na nagnanais na makahawak ng lubid ng andas.

Nagsimula umano ang rambulan makaraang manuntok ang isang lalaki na dinala ng mga pulis sa Barbosa Police Community Precinct.


Samantala, ayon sa Philippine Red Cross(PRC) nasa 420 katao ang binigyan ng lunas dahil nahilo, nahirapan huminga, nahimatay at nasugatan.


Alas-5:57 ng hapon nang maganap ang tradisyunal na "Dungaw" sa Plaza del Carmen matapos na ilabas sa San Sebastian Church ang Mahal na Birhen Maria na tumagal ng 15 minuto bago muling itinuloy ang Traslacion.


Pasado alas-4:41 ng madaling-araw nang magsimula ang prusisyon.


Sa pagtaya ng lokal na pamahalaan ng Maynila, umabot sa 2.2 milyon ang lumahok sa Traslacion.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page