Agarang rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga eskwelahan
- BULGAR

- Oct 29, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Oct. 29, 2024

Unti-unti nang nakikita ang iniwang epekto ng Bagyong Kristine, kabilang na ang malawakang pinsala sa mga eskwelahan. Base sa partial data ng Department of Education (DepEd), umabot na sa P3.3 bilyong halaga ang pinsalang natamo sa infrastructure para sa 38,000 eskwelahan sa buong bansa.
Kaugnay nito, aabot umano sa 2,700 ang totally damaged na mga silid-aralan habang 1,361 naman ang partially damaged. Mayroon ding 861 eskwelahan ang napaulat na dumanas ng secondary hazards gaya ng pagbaha at landslides.
Samantala, nasa 1,047 naman ang nagsisilbi pa ring evacuation center.
Ang lakas ng bagyo at grabeng baha ay nagresulta sa pagkasira ng mga eskwelahan na naglalagay sa edukasyon ng mga kabataan sa alanganin.
Maraming iskul ang nakaranas ng matinding pinsala — mga bubong na natangay, mga silid-aralan na nalubog sa tubig, at mga kagamitang nasira. Ang mga ito ay hindi lamang materyal na bagay kundi simbolo ng mga pangarap at pag-asa ng mga estudyante at guro.
Ang pagbagsak ng mga eskwelahan ay magdudulot ng hindi lamang pisikal na panganib kundi pati na rin ng emosyonal na pagkabigo sa mga kabataan. Sa sitwasyong ito, mahalagang pagtuunan ng pansin ang agarang rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga eskwelahan.
Kailangan ng mas mabilis na tugon mula sa gobyerno at mga ahensya ng edukasyon upang matiyak na ang mga estudyante ay hindi mapag-iiwanan sa kanilang pag-aaral. Kasama na rito ang inisyatiba para sa psychosocial support sa mga estudyante at guro na apektado ng kalamidad.
Mahalaga ring pag-aralan ang mga hakbang upang mapabuti ang resiliency ng mga paaralan sa mga ganitong kalamidad. Dapat tayong matuto mula sa karanasang ito at tiyaking ang mga bagong eskwelahan ay itinayo sa mga mas ligtas na lokasyon at may mas matibay na istraktura.
Ang pinsala ng Bagyong Kristine ay isang paalala sa atin na ang edukasyon ay dapat ding pagtuunan ng pansin, kahit sa gitna ng kalamidad. Ang pagsusumikap ng bawat isa, mula sa mga guro, magulang, at mga lokal na pamahalaan ay mahalaga upang matiyak na ang mga kabataan ay may matatag na pundasyon para sa kinabukasan.






Comments