top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

AFC Cup, may bagong format na inilabas para sa 2021 games

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 3, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 3, 2020





Gagamit ng bago at pinaikling format ang 2021 AFC Cup ayon sa dokumentong inilabas ng Asian Football Confederation (AFC) noong Lunes. Para sa darating na torneo, maglalaro ng isang round robin lamang sa group stage at gaganapin ito sa isang lugar sa loob ng isang linggo.


Para sa mga koponan galing ASEAN, ang kanilang mga laro ay nakatakda simula Hunyo 22 hanggang 28. Susundan ito ng ASEAN semifinals sa Agosto 10 o 11 at ang ASEAN Finals sa Agosto 25.


Ang kampeon ng ASEAN ay haharap sa mga kampeon ng Timog, Gitna at Silangang Asya sa Inter-Zone semifinals na dalawang laro sa Setyembre 14 o 15 at 28 o 29 at ang dalawang matitira ay magtutuos para sa Inter-Zone finals sa Oktubre 3 at Nobyembre 3 at ang karapatan labanan ang kampeon ng Kanlurang Asya para sa AFC Cup sa Nobyembre 26.


Kakatawanin ang Pilipinas ng Kaya Iloilo, ang pumangalawa sa 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways. Kasali Rin ang Kaya sa 2021 AFC Champions League subalit kailangan nila dumaan sa mga qualifier simula Enero 19 at kung papalaring makapasok ay kailangang bitawan ang kanilang puwesto sa AFC Cup.


Maliban sa Kaya, nakakasigurado na sa AFC Cup ang mga pinaghalong mga kampeon at runner-up ng kanilang mga liga tulad ng Hanoi at Saigon ng Vietnam, Kedah at Terengganu ng Malaysia, Shan United ng Myanmar at Boeung Ket ng Cambodia. Ang mga koponang Lao Toyota ng Laos, Visakha ng Cambodia, Lalenok United ng Timor Leste at Hanthawady United ng Myanmar ay kailangan dumaan sa qualifier simula Abril 27 habang hinihintayin matapos ang liga sa Singapore ngayong linggo upang matukoy ang kanilang dalawang kinatawan at linilinaw pa ang estado ng mga liga sa Indonesia at Brunei kung magpapadala sila ng kalahok.


Pasok na ang kampeon ng 2020 PFL United City sa ACL at paghahandaan nilang sumabak kontra sa mga kampeon ng Tsina, Japan, Timog Korea, Australia, Thailand, Malaysia, Hilagang Korea at Singapore. Maliban sa mas maraming kalahok, 40 kumpara sa dating 32, walang pagbabago sa format ng 2021 ACL at double round pa rin ang group stage na susundan ng knockout playoffs ng 16 na pinakamahusay na koponan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page