top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Abangan ang Azkals at United City, sa tapatan nila sa PFL, Cavite

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 28, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | October 28, 2020




Walang makakapigil sa pagsipa ngayong unang araw ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways mula sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Dalawang matinding laro ang bubungad sa liga na maghahatid ng inspirasyon sa lahat na kayang lampasan ang kahit anong hamon basta magsama at magtulungan.


Unang maghaharap ang Azkals Development Team at ang United City Football Club sa 4:30 ng hapon. Susundan ito ng tapatan ng Kaya Iloilo at Maharlika Manila sa 8:00 ng gabi.


Ang laban ng ADT at United City ay laban ng kinabukasan at kasalukuyan ng Pinoy Football. Binubuo ang ADT ng mga manlalarong karamihan ay edad 23 pababa sa pangunguna ni UAAP Most Valuable Player Jarvey Gayoso ng Ateneo de Manila.


Nais ipakita ni kapitan Stephan Schrock at ang kanyang mga kapwa beterano ng United City na karapat-dapat na sila ang maituring na maagang paborito na magwagi sa torneo. Si Schrock at 15 iba pang manlalaro ng United City ay naging bahagi ng dating Ceres Negros, ang tatlong beses na kampeon ng PFL mula 2017 hanggang 2019 bago ito binenta sa mga bagong mamumuhunan noong Hulyo.


Asahan ang isa pang mahigpit na labanan ng Kaya at Maharlika. Kahit isang bagong tatag na koponan, may mga nakuhang mga beterano ang Maharlika na kayang tapatan ang Kaya na pumangalawa sa Ceres noong PFL 2019 at pati rin sa Copa Paulino Alcantara.


Aabangan ang mga dating Azkals na sina Anton del Rosario, Jerry Barbaso, David Basa at Yannick Tuason at Kastila Joaco Canas para sa Maharlika, ang “Koponan ng Masa”. Kukuha muli ng lakas ang Kayak kay kapitan Jovin Bedic, Eric Giganto, Arnel Amita at Louie Casas na maganda ang ipinakita sa naudlot na 2020 AFC Cup noong Marso.


Ang iba pang kalahok na koponan ngayong taon ay ang Stallion Laguna at Mendiola 1991. Maglalaro ang anim na koponan ng single round at ang may pinakamataas na kartada ay agad tatanghaling kampeon at kakatawanin ang Pilipinas sa 2021 AFC Champions League.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page