top of page
Search
  • BULGAR

Aangat ang mga mag-aaral kung uunahin ang mga guro

by Info @Editorial | August 3, 2024


Editorial

Isa sa masakit na katotohanan ay ang napag-iiwanan na ang mga estudyanteng Pinoy.


Kaya ang misyon umano ng Department of Education (DepEd) ay ang mapahusay ang performance ng nasa walong milyong mag-aaral sa Programme for International Student Assessment (PISA) sa 2025. Nakatakdang gawin ang susunod na PISA sa Marso 2025.


Ito raw ang “immediate goal” ng bagong kalihim ng kagawaran na si Sonny Angara.


Matatandaang inirekomenda ng kalihim ang pagbuo ng task force na tututok dito.


Kailangang bumawi dahil base sa resulta ng PISA 2022, pang-anim sa pinakamababa ang Pilipinas sa 81 bansa. Sa larangan ng creative thinking, pangalawa sa kulelat ang mga mag-aaral na Pinoy.


Kaugnay nito, naniniwala tayo na mangyayari lang ang pag-angat ng mga mag-aaral kung uunahin ang mga guro.


Sa lahat ng programa ng gobyerno sa edukasyon, marapat lang na laging kasama o binibigyan-pansin ang mga titser.Nais natin ng de-kalidad na edukasyon, dapat ay de-kalidad din ang ating mga guro kasabay ang mga training, facility at iba pang pangangailangan sa kanilang pagtuturo. Maglaan ng pondo para sa mga training na dadaluhan ng mga guro at hindi ng mga opisyal. 


Likas na ang pagiging matiyaga at mapagmahal ng mga titser, bagay na dapat ay mas palakasin at patatagin pa. Ipatupad ang mga batas para sa kanilang karapatan. Ibigay ang makatarungang suweldo at benepisyo. Sa pamamagitan nito, mababawasan ang kanilang mga alalahanin at mas makakapag-focus sa pagtuturo.


Nawa, sa bagong pamunuan ng DepEd, mas maiparamdam pa sa ating mga guro ang pagkalinga ng lipunan.


Tulungan natin silang mas umunlad sa napili nilang propesyon, alang-alang din sa kinabukasan ng mga kabataan. 



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page