top of page

7th Final trophy pakay ng GSW, 2008 C'ship susundan ng Celtics

  • BULGAR
  • Jun 3, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 3, 2022


ree

Tututok ang mundo ng basketball sa pagbubukas ng 2022 NBA Finals ngayong Biyernes sa pagitan ng Golden State Warriors at bisitang Boston Celtics sa Chase Center. Hanapin ng Warriors ang ika-pitong tropeo ng prangkisa habang nais sundan ng Celtics ang huling kampeonato noong 2008.

Ilalabas ng Golden State ang kanilang matinding opensa sa likod ng mga shooter Stephen Curry, Klay Thompson, Jordan Poole at Andrew Wiggins. Tatapatan sila ng mga kamador ng Boston Jayson Tatum at Jaylen Brown.

Malaking bagay sa natamasang tagumpay ng Celtics ngayong taon ang mahigpit na depensa sa pangunguna ni 2022 Defensive Player of the Year Marcus Smart at mga sentro Al Horford at Robert Williams III. Si Draymond Green pa rin ang angkla ng depensa ng Warriors at may magandang balita na maaring palaruin na sina Gary Payton II (siko) at Otto Porter Jr. (paa) at naghilom na ang kanilang mga pilay.

Hinati ng dalawang koponan ang kanilang dalawang laro nitong nakaraang taon kung saan nanalo pareho ang bisita. Panalo ang Warriors sa TD Garden, 111-107, noong Disyembre 17 habang nanambak ang Celtics sa kanilang pagdalaw sa Chase Center, 110-88, noong Marso 16.

Huling nagharap ang dalawang prangkisa para sa 1964 NBA World Championship kung saan nanaig ang Boston sa limang laro, 4-1, sa noon ay San Francisco Warriors. Tampok doon ang bakbakan sa ilalim ng dalawang alamat na sentro Bill Russell ng Celtics at Wilt Chamberlain ng Warriors.

Hindi nakatikim ng kampeonato ang Warriors bilang San Francisco at nagpalit ng pangalan sa Golden State noong 1971. Dumating ang kanilang mga kampeonato noong 1975, 2015, 2017 at 2018 at noong 1947 at 1956 bilang Philadelphia Warriors.

Tabla ang Boston sa matinding karibal Los Angeles Lakers sa paramihan ng tropeo sa NBA na 17. Nagkampeon ang mga Celtics noong 1957, 1959 hanggang 1966, 1968, 1969, 1974, 1976, 1981, 1984, 1986 at 2008. Laro ngayong Biyernes – Chase Center: 9:00 AM Boston sa Golden State.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page