72-anyos na may foreigner bf, takot magpakasal dahil tututulan ng mga anak
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 23, 2023
Dear Sister Isabel,
Biyuda ko at 72-anyos na. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil hindi ko inaasahan na seryoso pala sa akin ang ka-chat kong Muslim na foreigner at kaedad ko. Darating siya next month, papakasalan niya raw ako at bibilhin niya ang house and lot sa subdivision namin.
Hindi ko alam ang gagawin dahil tiyak na hindi papayag ang mga anak ko kahit pa sabihing may sarili na silang pamilya. Sa edad kong ito, siguradong tututol sila.
Matagal din kaming hindi magkakasundo ng mga anak ko noon dahil nag-OFW ako nang mawala ang ama nila at bihira akong umuwi. Wala kaming bonding, kaya malayo ang loob nila sa akin. Hindi namin maramdaman ang pagmamahal na inaasam ng bawat isa, at kamakailan lang kami nakapag-adjust at nadama ang tunay na pagmamahalan ng isang pamilya. At ngayon, mag-aasawa ako ng foreigner at hindi pa namin kapareho ng relihiyon, gayung hindi maganda ang pagkakakilala nila sa mga Muslim, lalo na sa parteng pag-aasawa ng higit sa isa. Siya nga pala, hanggang apat ay puwede silang mag-asawa, at pangatlo ako kung sakali.
Ano ang dapat kong gawin? Buo na ang plano namin ng magiging asawa ko. Titira kami sa bahay na plano niyang bilhin at malapit lang din sa bahay na tinitirahan namin ng aking mga anak at apo.
Turuan n’yo ako ng tamang diskarte para masabi ko nang maayos sa mga anak ko ang balak kong pag-aasawa.
Nagpapasalamat,
Noemi ng Taguig City
Sa iyo, Noemi,
Ang pag-aasawa ay wala sa edad dahil hindi tumatanda ang puso. Hindi natin hawak ang destiny natin pagdating sa pag-ibig dahil Diyos lamang ang nakakaalam kung sino ang magiging kabiyak ng ating puso, na sa takdang panahon ay darating kahit hindi natin hanapin. Marahil ay may misyon kayong gagampanan ng magiging asawa mo na itinakda ng panahon na kayong dalawa ang gaganap according to God’s master plan.
Ipinapayo ko na sumige ka kung inaakala mong kaya mo pa ang buhay may-asawa sa isang kaedad mo. Ayaw mo ba niyan? Bibilhan ka niya ng bagong house and lot d’yan mismo sa subdivision na malapit sa inyo ng mga anak at apo mo. Napakasuwerte mo dahil para ka nang tumama sa lotto.
Sa palagay ko naman ay hindi tututol ang mga anak mo, lalo pa’t bibilhan ka ng house and lot ng boyfriend mong foreigner d’yan sa lugar n’yo. May sarili na silang pamilya at sa palagay ko ay maligaya sila sa pamilya at matutuwa sila kung ikaw din ay liligaya sa natagpuan mong pag-ibig dahil ay makakasama ka na habambuhay.
Gayundin, hindi na sila mag-aalala kung hindi ka nila maaasikaso sa sandaling kailangan mo sila. Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa, sabihin mo sa iyong mga anak ang plano mong pagpapakasal. Hangad ko ang iyong kaligayahan at magandang buhay sa hinaharap.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments