top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

70-anyos, takot magpakasal sa foreigner bf

BULGAR
Dec 5, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 5, 2022


Dear Sister Isabel,


Isa akong biyuda. May foreigner akong nakilala sa Facebook, 72-anyos na siya at isang Muslim. Mabilis ang mga pangyayari dahil dalawang buwan lang kaming magkakilala, pero ramdam namin na mahal namin ang isa’t isa. Dahil d’yan, gusto niya akong puntahan dito sa Pilipinas. Nagpahanap din siya ng bahay at nakakita naman ako agad. Maganda ang nakita kong bahay dahil fully furnished at nasa isang exclusive subdivision pa. Balak niya akong pakasalan pagdating dito at du’n na kami titira sa bahay na nakita ko.


Ang problema ko, tiyak na hindi papayag ang mga anak ko dahil 70-anyos na ako, gayundin, kahit pa mas bata akong tingnan kaysa sa edad ko. Isa pa, naisip ko na permanenteng relasyon ‘yun at hindi biro kung mag-aasawa ako ulit. Kahit pa nanghihinayang ako sa bahay na binili niya, parang gusto kong umatras sa napagkasunduan namin na magpapakasal dito at magsama sa iisang bubong.


Natatakot kasi ako na baka hindi siya maging mabuting asawa. Ano ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Donita ng Tarlac


Sa iyo, Donita,


Nasa iyo na ‘yan, kung inaakala mong kaya mo pa ang buhay may asawa, bakit hindi? Ang sabi mo ay ramdam ng bawat isa sa inyo na umiibig kayo sa isa’t isa, hindi naman siguro masama na sundin n’yo ang tibok ng inyong puso. ‘Ika nga, age doesn’t matter when it comes to love. Hindi tumatanda ang puso, kaya bakit mo ipagkakait sa iyong sarili ang lumigaya kang muli sa pag-ibig?


Sa palagay ko ay mahal na mahal ka ng lalaking ‘yun dahil binilhan ka agad ng house and lot at pakakasalan ka pa. Para ka nang tumama sa lotto niyan, hindi ba? Huwag mo nang palampasin ang magandang kapalaran na dumating sa buhay mo nang hindi inaasahan. Huwag kang matakot na sundin ang tibok ng puso mo. Sumige ka at taos-pusong dumalangin sa Diyos na patnubayan ang muli mong pag-aasawa sa piling ng isang foreigner.


Sumaiyo nawa ang basbas ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page