top of page

7 huling wika ng panginoong Hesu-Kristo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 30, 2021
  • 2 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 31, 2021



Napakahalaga ng mga salita o huling salita ng isang taong malapit nang pumanaw. Kadalasan, nagbibigay ito ng paalala at mga ipinagbibilin na pinaglalaanan natin ng panahon para ito ay gawin.


Ilang libong taon na ang nakararaan, bago mamatay ang ating Panginoong Hesu-Kristo sa krus ng kalbaryo na naging dahilan ng katubusan ng lahat ng ating mga kasalanan, nag-iwan Siya ng mga salitang patuloy nating inaalaala.


Ang pitong huling wika ng Panginoong Hesu-Kristo ang nagbibigay sa atin ng kalakasan sa mga hamon sa buhay at sandigan sa ating patuloy na lakbayin dito sa lupa.


1. “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. Unang katagang nabanggit ng Panginoong Hesus sa panahong nakapako na Siya sa krus. May himig ito ng pagpapatawad sa kabila ng mga kamaliang ginawa sa Kanya, inihingi Niya na patawarin ng Diyos Ama ang mga kasalanan ng tao, hindi lamang noon kundi maging ang kasalukuyan at panghinaharap na kasalanan ng lahat ng tao.

2. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay isasama kita sa Paraiso.” Ang ikalawang winika ng Panginoong Hesus ay may himig ng kaligtasan. Sa panahong tinanggap ng isang tao na siya ay naging makasalanan kasabay ng paghingi ng kapatawaran ay pangako Niyang may katiyakan ng buhay sa kalangitan sa pagtawid natin sa kabilang buhay.

3. “Babae, narito, ang iyong anak! Narito, ang iyong ina! Ang ikatlong salitang namutawi sa bibig ng Panginoong Hesus ay himig ng relasyon o ugnayan. Ang pagmamalasakit Niya sa Kanyang ina na at inihabilin ito sa Kanyang alagad. Sa panahong malapit sa Siyang pumanaw ay pagbibigay Niya ng tungkulin sa maiiwan upang alagaan ang inang Kanyang minamahal.

4. “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ang ikaapat na katagang nasambit ng Panginoong Hesus ay himig ng labis na paghihirap at pagdurusa. Sa panahong nakabitin ang Kanyang katawan sa krus na puno ng mga latay, sugat at bugbog na hindi na makikilala bilang tao ang tanging nausal ay humingi ng awa sa Diyos Ama subalit tila hindi pinakinggan.

5. “Nauuhaw ako.” Ang ikalimang winika ng Panginoong Hesus, katulad ng ikaapat na sa matinding sakit na Kanyang naramdaman ay humingi ng maiinom upang matugunan ng kahit kaunti man lamang ang hirap na nararanasan.

6. “Naganap na.” Ang ikaanim na salitang nausal ng Panginoong Hesus ay himig ng pagtatagumpay. Ang pagdating Niya sa sangkatauhan at pagkamatay sa krus ay pagpapatunay na nagawa, naganap at natapos na Niya ang nag-iisang misyon ang iligtas ang sangkatauhan.


7. “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.” Ang huli at ikapitong kataga ng Panginoong Hesus ay himig ng pagtitiwala sa Diyos Ama. Ibinibigay Niya ang Kanyang espiritu sa panahong malalagutan na Siya ng hininga at ipinaubaya na Niya ang lahat sa Ama.


Ang pagkamatay ng Panginoong Hesus at kabuuan ng Kanyang pitong huling salita ay kahulugan ng malalim at labis na pag-ibig Niya sa atin. Ito ang magpapaalala sa lahat na sa anumang hamon ng ating buhay laging may patuloy na magmamahal sa atin, ‘yan ang Panginoong Hesu-Kristo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page