7-anyos, naligo sa beach, patay sa dikya
- BULGAR

- Jun 8, 2021
- 1 min read
ni Lolet Abania | June 8, 2021

Patay ang isang 7-anyos na babae habang nasugatan ang dalawa pa matapos na madikitan ng dikya sa beach sa Del Gallego, Camarines Sur.
Nabatid na nagkayayaan ang biktima at ilang kaanak na maligo sa beach sa Barangay Sinuknipan nitong Lunes nang tanghali. Habang nasa mababaw na parte lamang umano ng dagat ang biktima ay bigla itong nagsisigaw.
Nakita nilang nakapitan ito ng mga dikya sa kanyang binti at paa na pinaniniwalaang isang uri ng box jellyfish.
Agad na tinulungan ng mga saksi na alisin ang mga nakakapit na dikya sa biktima, subalit nawalan na ito ng malay at hindi na umabot pa nang buhay nang isugod sa ospital.
Nadikitan din ng dikya ang tiyuhin at pinsan ng biktima subalit nakaligtas ang mga ito.
Kinuwestiyon naman ng tatay ng biktima, na nasa trabaho nu'ng panahong iyon, kung bakit bukas ang naturang resort habang tumanggap at pinapasok ang mga bata samantalang ipinagbabawal pa ang mga menor-de-edad na lumabas ng bahay.
Kinausap na umano ng may-ari ng resort ang pamilya ng biktima at nangakong magbibigay ng tulong dito.
Sinabi ng may-ari ng resort na naglagay sila ng net para hindi mapadpad ang mga dikya sa lugar subalit nasira umano ito ng Bagyong Dante habang ginagawa pa nila ito sa ngayon.
Pansamantala namang isinara ang resort. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, isang uri ng mapanganib na box jellyfish ang dumikit at kumapit sa katawan ng biktima.





Comments